KINUMPIRMA kahapon ng Department of Labor and Employ- ment (DOLE) na inaprubahan na ng Metro Manila wage board ang pagtataas sa minimum monthly salary ng mga kasambahay sa P5,000 mula sa kasalukuyang P3,500.
Gayunman ay nilinaw ni Labor Secretary Silvestre Bello III na dadaan pa ito sa final approval ng National Wage and Productivity Commission (NWPC) .
“Doon sa wage board regional ay approved na, pero dadaan pa sa national for final approval ,” wika ni Bello sa isang pulong balitaan.
Oras na aprubahan, magiging epektibo ang taas-sahod 15 araw matapos na malathala sa mga paha-yagan.
“The regional tripartite wage board here in Metro Manila submitted a wage adjustment of, I think, P1,500 for Metro Manila. So originally it was P3,500 for our kasambahay in Metro Manila, it is now P 5,000 for our kasambahays,” ani Bello.
Aminado si Bello na mas mababa ito sa kanyang inaasahan dahil iminungkahi niya kay DOLE Director Criselda Sy na mas mainam kung gagawing P6,000, ang minimum monthly pay ng mga kaambahay.
“Pero siyempre hindi mo naman puwedeng diktahan ‘yung regional tripartite wage board . So we have a recommendation, which is a wage adjustment of P1,500 – from P3,500 to P5,000,” dagdag pa ng kalihim.
Huling itinaas ang sahod ng mga kasambahay noong December 2017 kung saan itinakda ng NCR Wage Board ang P1,000 increase sa sahod ng mga household helper kaya naging P3.500.00 ang kanilang minimum monthly salary.
Umapela si Bello sa mga employer na sumunod sa minimum wage requirement bagama’t aminado siya na kulang ang ngipin ng batas para parusahan ang mga lalabag dito.
“Medyo may ngipin sana [kung batas] lalo na minsan ‘yung amo ‘di binibigyan ‘yung kanyang kasambahay ng minimum wage. Wala kaming ganoong power, eh,” anang kalihim. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.