CEBU – ARESTADO ang magkarelasyon na nahulihan ng tinatayang aabot sa P6.8-milyong halaga ng hinihinalang shabu ng mga tauhan ng Lapu-Lapu City Intelligence Branch at Philippine Drug Enforcement Agency sa buy bust operation, kamakalawa ng gabi sa nasabing lungsod.
Sa ulat ng PDEA, nasakote ang dalawa sa Barangay Pusok.
Kapwa itinuturing na mga high value target ang mag-live-in partner patunay sa rami ng shabu na nakumpiska sa kanila.
Unang inabot ng babaeng suspek ang isang kilo ng hinihinalang shabu sa nagpanggap na buyer habang ang ka-live-in nitong lalaki ang tumanggap ng marked money, ayon kay Col Clarito Baj, Lapu-Lapu City police office director.
Subalit nabatid na dayo lamang sa Lapu-Lapu City ang dalawa at pumunta lamang para mag-supply ng shabu sa mga maliliit na drug pushers.
Bukod sa shabu, nakumpiska rin ng pulisya ang isang baril, magazine at mga bala.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang itim na sasakyan na ginamit ng mga suspek sa kanilang mga transaksiyon habang inaalam pa kung saan at sino ang source ng nakumpiskang shabu. VERLIN RUIZ
Comments are closed.