ISUSULONG ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang agarang paglalaan ng gobyerno ng P65 billion para sa cash transfers ng mga ’no work, no pay’ na apektado ng enhanced community quarantine dahil sa COVID-19.
Paliwanag ni Quimbo, kinakailangan ang dagdag na pondo para suportahan ang mga manggagawang ’no work, no pay’ dahil kukulangin ang inisyal na P27.1 billion na pondo para labanan ang COVID-19.
Aniya, aabot sa 6.9 million ang mga manggagawang ’no work, no pay’ sa buong Luzon.
Binigyang-diin ng kongresista na ang P65-B na assistance ay makatutulong para mabigyan ng P9,420 na cash transfers sa loob ng 23 araw ang mga arawan ang sahod.
Bukod dito, naunang inihain ni Quimbo ang P108 billion Economic Rescue Plan for COVID-19 para maisalba ang malaking lugi ng bansa dahil sa epekto ng coronavirus.
Sa naturang halaga, P50-B ang ilalaan para sa MSMEs, P43-B para sa tourism industry at P15-B sa mga displaced worker. CONDE BATAC
Comments are closed.