CEBU- UMAABOT sa P7.8 milyong halaga ng taniman ng marijuana ang winasak ng mga operatiba ng pulisya makaraang salakayin ang malawak na plantasyon nito sa kagubatan ng Sitio Song-on, Brgy. Lusaran sa Cebu City nitong Sabado ng umaga.
Sa pahayag ni Gen. Roderick Augustus Alba, regional director ng PRO-7, nakatanggap ng impormasyon ang pulisya kaugnay sa malawak na taniman ng marijuana sa nasabing lugar.
Kaagad na isinagawa ang eradication operation ng pinagsanib na puwersa ng City Mobile Force Company; Cebu City Police Office, Naval Forces Central, 300th Air Intelligence and Security Wing, CIDG Cebu at mga opisyal ng nasabing barangay.
Ayon sa police report, aabot sa 19,500 tanim na marijuana na may street value na P7.8 milyon ang pinagbubunot at sinunog din sa nasabing kagubatan kung saan kinuha lamang ang 6 na tangkay nito para ipasuri sa Cebu City Forensic Unit na gagamiting ebidensiya sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga taong nasa likod ng plantasyon.
Nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya laban sa mga magsasakang maintainer ng marijuana plantation para sampahan ng kasong kriminal. MHAR BASCO