P7.9-T UTANG NG PINAS NOONG SETYEMBRE

UTANG

LUMOBO sa P7.9 trillion ang utang ng bansa sa pagtatapos ng Setyembre, mas mataas ng 10.4 percent kumpara sa kaparehong buwan noong nakaraang taon, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).

Sinabi ng BTr na 33.5 percent, o one-third, ng utang ng bansa ay mula sa foreign creditors habang 66.5 percent ay sa domestic sources.

Tumaas ang domestic debt ng 14.6 percent o P670 billion, habang ang  external debt ay mas mataas ng 3 percent o P78 billion.

Subalit bagama’t ang total debt ng Filipinas ay tumaas ng P747.9 billion year-on-year, mas mabagal ito ng P31.4 billion kumpara noong katapusan ng Agosto.

Ayon pa sa BTr, ang budget deficit ay pumalo sa P299 billion noong Setyembre makaraang mahigitan ng lumalaking gastusin ang tax revenues.

Naunang sinabi ng pamahalaan na plano nitong paigtingin ang paggastos sa  second half ng taon para makabawi sa epekto ng pagkakaantala ng pag-apruba sa  2019 budget,  na naglimita sa paggastos at nagpabagal sa paglago ng ekonomiya ng bansa. PILIPINO Mirror Reportorial Team