HIHIRIT ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), itinuturing na pinakamalaking labor union sa bansa, ng P710 per day across-the-board wage increase para sa mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).
Inaasahang pormal na ihahain ng TUCP, sa pangunguna ng presidente nito na si Raymond Mendoza at iba pang union officers, ang pinakabagong wage hike petition sa NCR Regional Tripartite Wages and Productivity Board (NCR-RTWPB) sa DY International Building sa Malate, Manila ngayong alas-9 ng umaga.
Ayon kay TUCP spokesman Alan Tanjusay, kapag naaprubahan ang kanilang petisyon, ang minimum wage sa Metro Manila ay aabot na sa P1,247 per day, bagama’t ang wage hike petition ay para sa lahat ng empleyado.
“We are not hitting President Duterte or the government with this (wage hike petition), we are just telling the decision makers there is an urgent need to raise wages so that people can live decently. It seems that some government economists have set the poverty threshold very much lower than what it should be,” aniya.
Itinuturing ng gobyerno ang isang pamilya na may limang miyembro at may total household monthly income na P10,481 na ‘out of poverty’. Gayunman, kailangan aniyang isaalang-alang ng NCR-RTWPB ang mga bagong kaganapan tulad ng pagtaas ng inflation sa pagkain at iba pang basic goods sa pagtatakda ng ‘makatotohanang sahod’.
Sa kasalukuyan, ang minimum wage para sa mga manggagawa sa Metro Manila ay nasa P537 per day.
Nakatakda ring maghain ang TUCP ng hiwalay na wage hike petitions sa ibang rehiyon. Ang mga petisyon ay maaaring isampa sa wage boards sa Cebu at Davao sa loob ng linggong ito.
“We are still computing what the right amount should be in the other regions,” aniya. PNA
Comments are closed.