P750 MINIMUM WAGE IBIGAY NA

Rep Ariel Casilao

IPINANAWAGAN ni Anakpawis Partylist Rep. Ariel Casilao na pagtibayin na ang panukala na P750 national minimum wage para sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa buong bansa.

Ang panawagan ay kasunod ng pagpalo ng inflation rate sa bansa sa 6.4% nitong Agosto.

Ngayon aniya ang tamang panahon para itaas ang minimum na sahod ng mga manggagawa upang makaagapay naman sa nagtataasang bilihin.

Hirap na hirap na rin  umano ang mga Filipino sa kung papaano pagkakasyahin ang kakarampot na kita para matustusan ang pangangailangan ng pamilya.

Sinabi pa ni Casilao na sa sitwasyon ngayon ng bansa ay tila pinapatay sa gutom ang mga Filipino.

Tinatayang umabot ng P15 hanggang P17  kada litro  ang itinaas sa presyo ng produktong petrolyo kung saan 60% nito ay resulta ng epekto ng TRAIN 1.

Sa tala naman ng Department of Energy, mula Enero hanggang Agosto, 23 beses na nagpatupad ng oil price hike ang mga kompanya ng langis na isa sa nagdulot ng ‘price shock’ sa food products.  CONDE BATAC

Comments are closed.