MALABON CITY – AABOT sa P75,000 halaga ng mga item ang natangay ng isang hinihinalang miyembro ng “Basag-Kotse” gang mula sa dalawang technicians ng internet company sa Malabon City.
Ayon kay Malabon police chief P/Col. Jessie Tamayao, alas-7:15 ng gabi, ipinarada ng mga biktima na sina Walter George Medina, 40, ng No. 2 Centraza Drive, Centraza Village Pamplona 1 Las Piñas City; at Nathaniel Gumtang, 38, ng 160 Sauyo Road, Brgy. Sauyo, Novaliches, Quezon City, kapwa technicians ng Miescor Logistics Company, ang kanilang service Mahindra na sasakyan na may conduction sticker EH-1363 sa corner ng F. Santos and M.H. Del Pilar Sts., Brgy. Santulan para magkabit ng internet connection sa Tatawid Market.
Matapos mag-inspeksiyon ang dalawa sa loob ng palengke, bumalik na sila sa kanilang sasakyan para kumuha ng mga gamit, subalit nagulat ang mga ito nang makita na bukas na ang pinto sa likod at basag ang sliding na bintana.
Nang tignan ang kanilang mga gamit at iba pang personal na gamit kabilang ang Laptop na P35,000, Volt Ohms meter na P30,000, dalawang ATM (automated teller machine) na umaabot lahat sa P75,500 ang nawawala na naging dahilan upang humingi ang mga ito ng tulong sa pulisya.
Pinaghahanap na ngayon ang nag-iisang suspek na nakasuot ng puting t-shirt at maong pants na nakunan sa CCTV camera na nakakabit sa naturang lugar habang tumatakas sakay ang isang Japanese bike. VICK TANES
Comments are closed.