HABANG nananatiling isang ‘no man’s land’ ang Marawi City na nawasak ng digmaan, mahigit isang taon na ang nakalilipas, ay humihirit ngayon ng P8.5 billion na karagdagang pondo ang binuong Task Force Bangon Marawi.
Ayon kay Office of Civil Defense Administrator Usec Ricardo Jalad, lumitaw sa kanilang pag-aaral na kailangan nila ng P12 billion bilang initial fund.
“That need crop up after our initial review of the proposed projects from various implementing agencies. Although still subject to more thorough review, initial fund requirements sum up to 12-B,” ani Jalad.
Sa paliwanag ni Jalad, base sa panukalang 2019 budget ay naglaan lamang ng P3.5-B para sa Marawi na bahagi NDRRM fund.
“Although those projects can also be funded out of the regular NDRRMF, we are recommending augmentation of the P3.5-B to ensure supportability,” aniya.
“We are eyeing 8.5B additional which hopefully our law makers will provide from the PHP 75B that was removed from the budget,” dagdag pa niya.
Sinasabing kabilang sa mga dahilan ng paghirit nila ng dagdag na pondo ay nagbawas ang Kongreso sa kanilang budget.
Kamakailan ay dinalaw ng ilang kasapi ng Defense Press Corps ang Marawi City, partikular ang main battle area, at matapos ang mahigit isang taon mula nang mabawi ito ng militar sa ISIS-influenced Maute –ASG terror group ay wala pa ring ipinagbago at mistulang ghost town pa rin ang lugar.
Magugunitang may mga foreign donation na natanggap ang pamahalaan para sa pagbangon ng Marawi subalit maliit lamang umano ito at hindi sapat sa mga nakalatag na proyekto. VERLIN RUIZ