NAKATAKDANG gumasta ang Pilipinas ng mas malaki para sa pagbabayad ng utang nito ngayong taon dahil sa maturity ng karamihan sa loans na isinagawa noong COVID-19 pandemic at sa paghina ng piso, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).
Sa ilalim ng panukalang National Expenditure Program (NEP), ang Pilipinas ay gagasta ng P876.7 billion para sa pagbabayad ng utang sa 2025, na bumubuo sa 13.8% ng P6.352 trillion budget na inilaan ng pamahalaan para sa susunod na taon.
“’Yung increase po kasi nag-mature na karamihan dun sa mga loans natin nung panahon ng pandemic,” sabi ni DBM secretary Amenah Pangandaman.
“Nanghiram po tayo nung mga panahon na ‘yun and most it nag-mature na and at the same time, ‘yung forex (foreign exchange), exchange rates, and interest rates a little high and ‘yung sa forex natin gumalaw ng konti,” dagdag pa niya.
Sa datos mula sa Bureau of the Treasury (BTr), ang utang ng bansa ay nasa P15.347 trillion hanggang end-May, mas mataas ng 2.2% o P330.39 billion kumpara sa P15.017 trillion noong April.
Ang bansa ay nakatakdang gumasta ng P848.061 billion para sa interest payments ngayong taon, kasama ang P7.068 million na halaga ng bank charges.
Ang P6.352 trillion budget para sa 2025 ay mas mataas ng 10.1% kumpara sa P5.768-trillion budget para sa 2024, at katumbas ng 22.1% ng gross domestic product ng bansa.
Ang NEP ay opisyal na isinumite sa Kongreso nitong Lunes, kung saan P2.121 trillion ang mapupunta sa social services, P1.853 trillion sa economic services, P1.083 trillion sa general public services, P1419.3 billion sa defense, at P876.7 billion sa debt burden.