AABOT sa 2,654 magsasakang agrarian reform beneficiaries (ARBs) mula sa mga lalawigan ng Albay, Catanduanes, Masbate at Sorsogon ang hindi na sisingilin ang utang sa kanilang lupang pang-agraryo na hinuhulugan matapos itong ipamahagi sa kanila ng Department of Agrarian Reform (DAR) bilang bahagi ng condonation na tuloy- tuloy na isinasagawa ng kasalukuyang administrasyon.
Ayon kay Agrarian Reform Regional Director Reuben Theodore Sindac, ipinamahagi ang may 2,931 Certificates of Condonation with Release of Mortgages (CoCRoMs) o sertipikasyon bilang patunay na binubura na ang utang na may kabuuang halaga na P88,810,223 ng naturang mga magsasaka.
Idinaos ang aktibidad sa pangunguna nina Senadora Imee Marcos at Sindac noong Martes, Nobyembre 26, sa Legazpi City Convention Center.
Sinabi ni Marcos na sa pamamagitan ng mga sertipikong ito, magbabago ang pamumuhay ng mga magsasaka tungo sa kaunlaran.
“Tuluy-tuloy nating tutulungan ang mga magsasaka. Upang manatili sila sa kanilang mga bukirin, bibigyan natin sila ng mga ayudang magpapaunlad sa kanila,” aniya.
Tinutupad ng CoCRoM ang mandato ng Republic Act No. 11953, o ang New Agrarian Emancipation Act (NAEA), na nilagdaan ng Pangulo noong Hulyo 7, 2023, upang mawala ang lahat ng mga pautang, kabilang ang mga interes, multa, at surcharges na natamo ng mga ARB mula sa lupang iginawad sa kanila sa ilalim ng Presidential Decree (PD) 27, R.A. No. 6657, at R.A. No. 9700.
Sakop ng batas ang higit sa 1.7 milyong ektarya ng mga lupain sa repormang agraryo sa buong bansa, at humigit-kumulang 610,054 na magsasaka ang makikinabang dito, kung saan mapapatawad na ang P57.65 bilyon na utang pang-agraryo ng mga magsasaka.
Mula sa kabuuang ito, 1,670 sertipiko ang ipinamahagi sa 1,546 ARBs mula sa lalawigan ng Sorsogon, na sumasakop sa 2,783.07 ektarya ng lupa na kumakansela sa P49.86-milyong utang. Sa Albay, 1,151 sertipiko ang ipinagkaloob sa 1,004 ARBs na sumasakop sa may 1,404.19 ektarya ng lupa at bumubura sa P36.108 milyong utang.
Namahagi rin ang DAR ng 100 sertipiko sa 94 ARBs mula sa lalawigan ng Masbate, na sumasakop sa 189.48 ektarya ng lupa at bumubura sa may P2.497 milyong utang. Sa Catanduanes, 10 sertipiko ang ipinamahagi sa 10 ARBs, na sumasakop sa 16.17 ektarya, na nagpapatawad sa P338,535.22 na utang.
Sa nasabing kaganapan, may kabuuang 760 titulo ng lupa na sumasakop sa 1,004.45 ektarya ang ipinamahagi rin sa 642 ARBs mula sa nasabing mga lalawigan.
Ayon kay Sindac, 723 ay Electronic Titles (e-titles) sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) at 37 Certificates of Land Ownership Award (CLOAs) sa ilalim ng regular (Land Acquisition and Distribution) na programa. MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA