NILAGDAAN kahapon ng Pilipinas at Japan ang kasunduan na magkakaloob ng ¥2-bilyong halaga ng tulong pinansiyal para sa isinasagawang rehabilitasyon sa Marawi City.
Ayon sa Department of Finance (DOF), saklaw ng “Grant Agreement for the Programme for the Support for the Rehabilitation and Reconstruction of Marawi City and Its Surrounding Areas” ang mga proyektong pang-imprastraktura para sa konstruksiyon ng mga kalsada sa Marawi City.
Ang kasunduan ay nilagdaan nina DOF Secretary Carlos Dominguez III at Yoshio Wada, chief representative sa Pilipinas ng Japan International Cooperation Agency (JICA).
“I would like to assure the ambassador and the chief representative of JICA that we are very keenly aware that these funds come from the taxpayers of Japan, and that we will honor them by not wasting those funds,” wika ni Dominguez.
“On behalf of the Philippine Government, I express profound gratitude for the generous support by the Government of Japan to the great task of rebuilding the City of Marawi,” sabi pa ng kalihim.
Aniya, may 902 priority projects para sa reconstruction ng lungsod at mga nakapaligid na lugar dito, na tinatayang magkakahalaga ng P55 billion.
Ang tulong pinansiyal na ito, na tinatayang nagkakahalaga ng US$18.66 million o P970 million, ang ikaapat na aid package na ipinagkaloob ng Japan matapos ang grants na kinabibilangan ng heavy equipment para sa reconstruction program ng Marawi City na pinormalisa noong Nobyembre 12, 2017.
May kabuuang 27 heavy equipment units tulad ng excavators, wheel loaders, motor graders, bulldozers, at dump trucks ang ibinigay na sa Department of Public Works and Highways (DPWH) noong Marso 15 para sa reconstruction ng mga kalsada.
Sa kasalukuyan, ang Japan ay nakapagbigay na ng tinatayang US$36 million para makatulong sa rehabilitasyon ng Marawi City.
Comments are closed.