DAPAT umanong tiyakin ng publiko na malinis ang kanilang iinuming tubig upang makaiwas sa karamdaman.
Ito ang payo ni Health Secretary Francisco Duque III sa mga mamamayan na nakararanas ng kakulangan sa tubig sa ngayon.
Kasabay nito, nagbabala pa si Duque na ang pag-inom ng maruming tubig ay maaaring magdulot ng iba’t ibang karamdaman, gaya na lamang ng diarrhea.
“It is important to ensure the quality of your drinking water through simple, inexpensive steps to treat and safely store water in your homes to avoid falling ill,” ayon kay Duque.
Payo pa niya, kung hindi tiyak na ligtas ang tubig na inumin ay maari naman itong pakuluan ng dalawang minuto o ‘di kaya’y lagyan na lamang ng chlorine tablets.
Nilinaw naman ng kalihim na mas mainam pa rin talagang pakuluan nang matagal ang tubig kaysa gumamit ng chlorine tablets.
Paliwanag pa nito, ang pag-chlorinate kasi sa tubig ay maaring hindi epektibo sa ilang disease-causing organisms, gaya na lamang ng mga organism na nagdudulot ng watery diarrhea.
Sinabi pa ni Duque, kahit kinakailangang magtipid ng tubig, dapat pa ring ugaliin ng publiko na obserbahan ang kanilang personal hygiene, gaya ng paliligo at madalas na paghuhugas ng kamay, dahil maaari rin itong magdulot ng mga common disease gaya ng scabies at iba pa.
“Let us conserve water, adapt to the limited water supply and make sure to prioritize cleanliness and personal health at all times,” aniya pa. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.