PAALALA NG MERALCO UKOL SA INAASAHANG PAGTAAS NG KONSUMO KAUGNAY NG PANAHON NG TAG-INIT

KASALUKUYANG napakatindi ng init ng panahon. Ayon sa datos mula sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, ang mga naitatalang pinakamataas na heat index kada araw ay umaabot ng mas mataas pa sa 40 degrees Celcius.

Sa katunayan, noong ika-7 ng Mayo, ang pinakamataas na heat index ay naitala sa temperaturang 45 degrees Celcius sa Dipolog sa Zamboanga del Norte. Epekto na rin ng global warming at climate change kung bakit lalo pang tumindi ang pagtaas ng temperatura ngayong panahon ng tag-init.

Isang natural na tugon sa matinding init ng panahon ang paghahanap ng paraan na maibsan ito gaya ng paggamit ng mga kagamitang nagpapalamig ng ating pakiramdam katulad ng mga airconditioning unit o aircon at bentilador. Gustuhin man nating magtipid sa konsumo upang makaiwas sa mataas na bayarin sa koryente, sadyang mahirap ito gawin kapag ganito kainit ang panahon.

Tuwing panahon ng tag-init, walang pagod sa pagpapaliwanag at sa pagbibigay ng paala- la ang Meralco sa mga customer nito ukol sa inaasahang pagtaas ng konsumo sa koryente kaugnay ng mataas na temperatura ngayong panahon ng tag-init.

Marami sa atin ang nag-aakala na kung hindi naman nagdag- dag ng mga appliance sa bahay, walang dahilan upang tumaas ang konsumo. Mayroon din namang nag-aakala na dahil walang pinagbago ang paraan ng paggamit ng mga appliances, hindi dapat magbago ang konsumo.

Simple lamang ang paliwanag dito. Karaniwang tumataas ang konsumo sa koryente dahil sa matinding init ng panahon. Ang init na ito ay pumapasok sa ating mga tahanan kaya natin ito nararamdaman. Kapag binuksan ang aircon, dahil sa init, mas magtatrabaho ang mga compressor nito upang maabot ang nais nating lamig ng temperatura sa loob ng kwarto. Ang mas mabigat na trabaho ng mga aircon ay nan- gangahulugan na mas kumokonsumo ito ng koryente.

Sa madaling salita, magkaiba ang kon- sumong inirerehistro ng aircon kapag ginamit mo ito ng walong oras sa panahon ng tag-la- mig kompara sa walong oras na paggamit nito sa panahon ng tag-init.

Ayon sa Meralco Powerlab, mas mataas ng 25% hanggang 40% ang inirerehistro nitong konsumo kapag tag-init dahil nakakaapekto rito ang matinding init ng panahon.

Hindi naman dapat mangamba dahil mayroong mga paraan upang makatipid sa pagkonsumo ng koryente. Mas mainam kung makapaglalaan ng badyet sa pagbili ng inverter na aircon. Ayon sa Meralco Powerlab, mas matipid ng 30% hanggang 64% ang konsumo ng aircon na gumagamit ng inverter technology kompara sa conventional.

Kung bibili ng bagong aircon, napakahalaga rin na siguruhing angkop sa laki ng kwarto ang pipiliing horsepower ng aircon. Kung maliit lamang ang kwarto at malakas ang horsepower ng aircon na bibilhin, hindi ito masusulit. Gayon din kung malaki ang kwarto at mababa ang horsepower ng aircon, mas magtatrabaho rin ang compressor para palamigin ang kwarto o bahay. Ibig sabihin, kapag mali ang horsepower, maaari itong magresulta sa mas mataas na konsumo.

Kung hindi naman makapagpapalit ng aircon, mayroon pa ring pwedeng gawin. Napakahalagang masiguro na malinis ang aircon at nasa maayos itong kalagayan dahil anumang appliances, kapag marumi at hindi nasisiguro kung maayos pa ang kalidad, ay malakas sa konsumo ng koryente. Ang paglilin- is ng aircon nang hindi bababa sa dalawang beses kada buwan ay makatutulong upang makatipid ng humigit kumulang P334 kada buwan ang mga konsyumer na gumagamit ng 1 horsepower na window type aircon.

Makatutulong din kung i-set sa 25 degrees celsius ang thermostat ng aircon. Isa ring paraan ang paggamit ng bentilador habang naka-aircon upang mapanatili at mapaikot ang lamig ng hangin sa kwarto. Sa ganitong paraan, hindi masyadong magtatrabaho ang compressor ng aircon dahil sa pananatili ng malamig na temperatura sa kwarto o bahay. Kung 1 horsepower na window type aircon ang gamit, tinatayang nasa P991 kada buwan ang maaaring maitipid ng customer sa bayarin sa koryente kung nasa 25 degrees lamang ang thermostat.

Ilan lamang ito sa mga tip upang makatipid sa paggamit ng aircon na siyang malaking bahagi ng konsumo sa koryente. Para sa kumpletong tips para sa iba’t ibang uri ng appliances, maaaring bumisita sa opisyal na website ng Meralco sa www.meralco.com.ph. Ngayong panahon ng tag-init, napakahalaga ng pagiging matalino at masinop sa paggamit ng koryente. Ipinaaalala ng Meralco na tayo, bilang mga konsyumer ng koryente, ay may kakayahang kontrolin ang ating konsumo upang maiayon ito sa ating badyet at makaiwas sa bill shock.