NANAWAGAN ang National Commission of Senior Citizens (NCSC) sa mga senior citizen na mag-apply upang matanggap ang benepisyo sa ilalim ng Expanded Centenarian Law.
Ayon kay Dr. Mary Jean Loreche, officer-in-charge at miyembro ng NCSC, kailangang maghain ng aplikasyon ang mga senior citizen sa kanilang mga lokal na tanggapan upang matanggap ang P10,000 cash gift na ibinibigay ng pamahalaan.
“Kami ay nananawagan sa ating mga nakatatanda na dumulog po sila sa kanilang mga Office of the Senior Citizens Affair (OSCA) o kaya sa kanilang LGU upang makakuha ng application,” ani Loreche.
Ipinaliwanag niya na kailangang magbigay ng kinakailangang dokumento ang mga senior citizen upang ma-avail ang naturang benepisyo.
Sa ilalim ng Republic Act 11982 o Amendments to the Centenarian Act na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Pebrero, ang lahat ng Pilipinong aabot sa edad na 80, 85, 90 at 95 ay makatatanggap ng P10,000 cash gift simula Enero 1, 2025.
Dagdag pa rito, ang mga Pilipino na aabot sa edad na 100 ay makatatanggap ng P100,000 cash gift kahit sila ay nasa loob o labas ng bansa.
RUBEN FUENTES