SA paggunita ng Labor Day at pagbibigay-pugay sa mga manggagawa, nagpaalala si Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth acting President at Chief Executive Officer Emmanuel R. Ledesma, Jr. sa mga employer na sundin ang takdang panahon at regular na mag-remit ng premium contributions ng kanilang mga kawani.
Pagbibigay-diin ni Ledesma, ang PhilHealth contributions na ito, kapwa ng private at government workers, ay bahagi ng pinaghirapang kita sa kanilang masugid na pagtatrabaho kung kaya marapat lamang na pangalagaan at pahalagahan din ito ng mga employer.
Ayon sa PhilHealth chief, maaaring gamitin ng employers ang kanilang Electronic Premium Remittance System o ang EPRS kung saan ligtas at mas kumbinyente ang magiging proseso ng remittance ng employee’s contribution.
Sinabi pa ni Ledesma na mas pinaghusay rin nila ang EPRS, ang online payment facility ng PhilHealth para sa mga employer, matapos ang kanilang naging partnership sa MyEG Philippines.
Sa pamamagitan nito, mayroon nang payment options ang employers sa kanilang pagbabayad ng premium sa PhilHealth gamit ang electronic wallets gaya ng GCash at Maya, at iba pang debit at credit card payments system.
“The payment process has also been simplified with the EPRS. Kailangan lang mag-generate ang employer o ang PhilHealth Employer Engagement Representative o PEER ng Statement of Premium Accounts (SPA) para sa buwan na babayaran, pagkatapos ay piliin lang ang kanilang preferred payment option at magbayad na,” paliwanag pa ni Ledesma.
“Maaari pong i-access ng ating employers ang EPRS sa PhilHealth website, https://eprs01.philhealth.gov.ph,” dagdag pa niya.
Samantala, na-activate na rin ng PhilHealth ang pagtanggap ng online payment ng Member Portal nito noon pang 2021, partikular ang pagbabayad ng kanilang self-earning individuals o voluntary members gamit din ang GCash, Maya, at credit and debit cards.
Ani Ledesma, ang PhilHealth at MyEG Philippines partnership ay bilang pagsuporta at pagtalima na rin ng state health insurer sa itinatakda ng Republic Act No. 11032, o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act, na nag-aatas sa lahat ng government departments at agencies na magpatupad ng digital payment system para sa government disbursements and collections at mapalaganap ang mas mahusay na serbisyo at mapabilis ang kanilang mga transaksiyon.