PINAALALAHANAN ng Eastern Police District ang publiko na iwasang mag-post ng mga real-time na larawan at lokasyon sa kanilang mga social media account para sa seguridad habang nagpapahinga ngayong Semana Santa.
“Naglabas kami ng mga hakbang at paalala para sa kaligtasan ng lahat,” ani EPD Director Police Brigadier General Wilson Asueta.
Pinaalalahanan din ni Asueta ang publiko na aalis ng kanilang mga bahay para sa Semana Santa na tiyakin na ito ay nakakandado.
“Siyempre, ang concern namin is to ensure that no untoward incident happens–walang burglaries.”
Alam naman natin na maraming pumupunta sa probinsya o magbabakasyon tuwing Holy Week,” dagdag ni Asueta.
Nauna nang sinabi ni National Capital Region Police Office chief Police Major General Jose Melencio Nartatez Jr. na nasa heightened alert ang mga pulis sa Metro Manila tuwing Semana Santa.
Ima-maximize rin nila ang paggamit ng kanilang resources, equipment, logistics, gayundin ang kanilang mga tauhan, para matiyak ang kaligtasan ng publiko sa panahon ng Semana Santa.
Sinabi ng hepe ng NCRPO na hindi bababa sa 12,000 pulis ang ipakakalat upang matiyak ang kaligtasan ng Metro Manila sa panahon ng Kuwaresma.
Elma Morales