(Paalala ng SEC sa mga pasaway na kompanya) AMNESTY PROGRAM HANGGANG DIS. 31 NA LANG

PINAALALAHANAN ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang mga non-compliant at suspended o revoked corporation na hanggang katapusan ng buwan na lamang ang amnesty program nito.

Sa isang statement, sinabi ng SEC na ang mga kompanya ay mayroon na lamang hanggang Disyembre 31, 2023 para mag-avail ng amnesty program ng corporate regulator alinsunod sa SEC Memorandum Circular No. 20, Series of 2023.

Layon ng amnesty program na inilunsad noong Marso 2023 na mapag-ibayo ang pagsunod ng mga kompanya sa reportorial requirements ng SEC sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa non-compliant at suspended o revoked corporations na bayaran ang binawasang penalty para sa late at  non-filing ng kanilang general information sheets (GIS), annual financial statement (AFS), at official contact details.

Ayon sa SEC, para maka-avail ng amnesty, ang non-compliant corporations ay kailangang magbayad ng fixed amnesty rate na P5,000, anuman ang bilang ng reports at bilang ng taon na hindi sila nakapagsumite ng kanilang reports.

Samantala, ang  suspended at revoked corporations ay magbabayad ng 50% ng kanilang total assessed fines, bukod pa sa P3,060 petition fee.

Nagpalabas ang SEC ng listahan ng 22,403 ordinary corporations na nanganganib na makansela ang certificates of incorporation dahil sa pagkabigong isumite ang kanilang GIS sa loob ng limang taon mula sa petsa ng incorporation.

Naglabas din ang SEC ng hiwalay na listahan ng  298,335 ordinary corporations na nabigong magsumite ng kanilang GIS ng tatlong magkakasunod na beses o paulit-ulit sa loob ng limang taon.

“Such corporations are encouraged to avail of the amnesty program to avoid getting their corporate registrations revoked or getting tagged as delinquent. Availing of the amnesty will also allow them to continue enjoying the benefits and privileges of being a registered business in the Philippines,” ayon sa SEC.