MULING nagpaalala ang Manila Electric Company o Meralco sa publiko hinggil sa koryente tipid tips ngayong nalalapit na ang tag-init at patuloy pa ring nararanasan ang epekto ng El Niño phenomenon.
Ito, ayon sa Meralco, ay kasunod ng pahayag ng PAGASA hinggil sa patuloy na paghina ng hanging Amihan o northeast monsoon kaya asahan na ang maalinsangan at mainit na temperatura sa mga susunod na araw.
Sinabi pa ng power distributor na kadalasang tumataas ng 10 hanggang 40 porsiyento ang konsumo sa koryente ng isang tahanan tuwing tag-init kaya kailangang bantayang maigi ang konsumo sa koryente.
Kabilang sa mga maaaring gawin ng publiko ang pagtanggal sa saksakan ng appliances kapag hindi ginagamit at paggamit ng LED bulb sa mga pailaw.
Makabubuti rin kung maramihang mamalantsa ng mga damit sa halip na paisa-isa at regular na paglinis ng air conditioner filters, gayundin ng elisi ng mga electric fan.
Nabatid na tumaas ang singil sa koryente ngayong Marso ng 2 centavos per kilowatt hour at posibleng tumaas pa ito sa pagpasok ng tag-init.
AULA ANTOLIN