KUMUSTA, ka-negosyo? Sana nasa mabuti kayong kalagayan. Maraming nagtatanong sa akin sa mga nakaraang buwan kung paano nga ba talagang mai-boost ang sales sa negosyo? Sa pitak ko ngayon, silipin natin ang ilang mga simpleng pamamaraan upang mas umarangkada ang benta mo sa panahon man ng krisis o sa normal na panahon. O, ano, tara na at matuto!
#1 Presensiya ng negosyo at ng brand
Ang unang tanong ko sa mga kliyente ko ay kung may nakakakilala ba sa brand niya? Kasi ang unang hakbang upang maka-pagbenta ka ay ang magpakilala. Para makilala ka, dapat siyempre, may presensiya ka, ‘di ba? Kaya naman sa panahong ito, mahalaga ang pagkakaroon ng maayos na pagpapakilala ng brand mo sa mga kostumer mo. Maaaring ito ay magsisimula sa social media dahil nasa ekonomiyang digital na tayo. Lalo na sa pagpasok ng pandemya, kung saan mas pinahahalagahan ang presensiya mo sa iba’t ibang uri ng digital na plataporma. Ang social media account sa mga tulad ng Facebook at Instagram ay ang pagkakaroon ng ibayong presensiya rito, laluna kung nandito ang mga mamimili mo. Sa Facebook, mahalaga ang pagkakaroon ng business account para mai-boost ang mga post mo. Sa halagang 50 pesos bawat boost na aabot sa halos 2,000 katao ang maabot, sulit na, ‘di ba? Gawin mo lang na propesyunal ang pagkakagawa ng page o business account para sa imahe ng iyong negosyo. Marami ring naka-kalimot na may LinkedIn na social media para sa mga propesyunal. Mas pangnegosyo ang site na ito at ‘di basta-basta makaka-konekta sa mga narito. Iba ang mga rules na ginagamit kaya alamin mo ang mga ito. Ang pangunahing social media platform na dapat gamitin sa Filipinas ay ang Facebook. Ang mahigit 60 milyong katao na puwedeng maging kostumer mo ay ‘di biro. Kaya dapat maayos ang pundasyon nito. Sa Facebook, may sariling 13-point checklist na ipinakikita ang mismong FB. Ilan dito ay ang paglagay ng contact number, email addres at website address ng negosyo. Ayusin mo ang mga ito upang maging solido ang presensiya mo.
#2 Alamin ang kostumer at kompetisyon mo
Kung ‘di mo pa lubos na kilala ang merkado at industriyang ginagalawan mo, may problema kang kakaharapin. Tandaan mo na ang pagsasaliksik sa kostumer at kumpetisyon ay susi upang makaungos ka sa pagbebenta. Kung sasaliksikin mo ang bawat aspeto ng mga ginagawa ng kakumpitensiya mo, malalaman mo ang mga dapat iwasan, paghandaan at gagayahin o mas palalawigin, ‘di ba? Ang pagsaliksik sa kompetisyon ay simple, ngunit kailangang masinsin at may kaunting analysis. Search mo ang Facebook bilang pangunahing paraan kung saan makikita ang tungkol sa kanila. Kapag nakakita ka ng kapareho mong negosyo, malamang makikita mo sa baba o gilid ng search results ang iba pang kakumpitensiya mo. Tandaan mo na maaaring direkta o ‘di direkta ang kompetisyon, ha? Ang mga dapat namang tingnan sa mga kostumer mo ay ang kanilang mga piling produkto na kanilang binibili at ang mga katulad nito. Gayundin ang pag-analisa sa mga trends upang mapaghandaan ito. May simpleng analytics ang FB Page na tawag ay Insights. Dito nakikita ang mga trends, likes at kung ano-ano pa ukol sa page mo. Mayroon ding mga libreng social analytics tools na makukuha online upang magawan ng forensics ang page mo at ang total na reputasyon mo online. Ang pag-aanalisa ng kostumer at kakumpitensya mo ay isa sa pinakamahalagang aspeto ng paggawa ng istratehiya sa marketing mo.
#3 Pagbebenta sa social media at sa website
‘Di na kaila sa atin na mahalaga ang social media upang maabot ang mamimili at dito na rin makapagbenta. Maaaring ‘di ko na kailangan pang pahabain ang ideyang ito dahil malamang alam mo na ito.Idagdag ko na lang ang paggamit ng iba’t ibang tools upang mas maging mabenta ang mga produkto mo sa social media. Una rito ay ang pagsasaayos ng itsura ng mga produkto mo. Dapat ay maganda ang pagkakauha sa litrato man o video. Ikalawa, ay ang masinop na paglagay ng presyo at lahat ng detalye upang mabawasan ang pagtatanong ng mga kostumer. Siguraduhing malinaw ang pagkakalathala ng nasabing mga detalye lalo na ang paraan ng pag-order, pagbayad at pag-deliber. Lagyan din ng mga hashtag ang iyong mga post upang mas mabilis itong makita sa search. Tandaan lang na halos 80 porsiyento ng milenyal at GenZ na merkado ay sa video nahuhumaling. Ito kasi ang pinaka-epektibong paraan upang mahuli ang kostumer sa social media. Kaya namamayagpag ang live selling sa Facebook dahil sa aspetong ito. Maraming uri ng video ang puwede mong gamitin. Nariyan ang gumagalaw na poster na video ang format. May mga online events o seminars kung saan mahabang diskusyon ang puwedeng gawin. At siyempre, may online video ads na maaaring gawin. Kung hirap kang mag-isip ng gagawin, manood muna ng mga video na nag-eendorso ng mga brand. Marami iyan, kasama na ang mga pagsingit ng brands sa mga influencer.Doon naman sa pagbebenta sa sariling website, medyo maiiba lang ang dynamics nito. Dahil bukod sa social media na magpapadala ng trapik sa website sa mga search engine tulad ng Google sila pupunta. Kaya naman kung searchable ka at ang mga brand mo, mas madaling makaka-ungos ka sa iba. Ang sikreto sa larangang ito ay ang SEO – o search engine optimiza-tion. Kung gamay mo ang sistemang ito, madali na ang susunod na Google Ads.
#4 Halaga ng digital na paraan ng customer service
Alam mo na naman siguro ang halaga ng serbisyong para sa mamimili gaya ng simpleng pagsagot sa kanilang mga tanong. Ang gamit ng social media sa larangang ito ay malaki sa pamamagitan ng pagpapasimple ng proseso kung saan ang pag-PM (personal message) sa FB page ay madaling gawin. Umiiksi na tuloy ang proseso nito. Tandaan mo na maraming paraan ang pagpapalawig ng relasyon sa mga kostumer at nais makuhang kostumer sa pamamagitan ng social media. Sa Facebook, ang maayos na setup ng chat o messenger ay mahalaga. Ito kasi ang gagamitin mong awtomatikong tagasagot sa mga mag-me-message sa page mo. Puwede na kasing automated na ito. I-set up mo ito. Sa mga post mo naman, siguraduhing may link sa messenger o sa website o anumang contact details sa captions ng mga post. Para matapos nilang makita ang mga post mo, alam nila saan pupunta Sa mga comment naman, i-manage mo ito nang mabuti. Huwag kang mag-engage sa mga negatibong comments. Sa halip, sagutin nang maayos at ituro sa mes-senger para pribado na ang pagsagot. Tandaan na ang gagawin mo sa page mo ay siyang magbubuo ng reputasyon mo. Kaya maging masinop sa istratehiya. Bukod sa customer service sa social media, ang website mo ay mayroon ding chat na magagamit. Malaking bagay ito sa pagsalo ng inquiries sa website mo.
Konklusyon
Ang pagtuon mo ng pansin sa digital sales ay kaakibat ng presensiya mo sa mga digital na plataporma. Ang pagpapakabihasa mo sa digital marketing para sa negosyo o startup mo sa 2021 ay mahalaga. Dahil na rin sa pag-shift ng kostumer online ngayong pandemya, ayusin mo ang istratehiya rito. Tandaan na ang pagnenegosyo ay nangangailangan ng sipag, tiyaga at dasal. Huwag kang mawawalan ng loob kung makararansd ng pagsubok. Tuloy lang!
Si Homer Nievera ay isang techpreneur at makokontak sa [email protected].
Comments are closed.