MAYROON akong naitabing sampung libong piso. Saan ko pwede palaguin ito?”
Ang tanong na ito ay madalas na mababasa sa mga iba’t ibang online groups kung saan nagbibigay ng mga suhestyon kung papaano makamit ang financial freedom. Isa sa mga paraan ay ang pagiimpok o pagiipon. Ito ay ang pamamaraan ng pagtatabi ng pera para ilaan sa kinabukasan.
Kung ang pagiipon dati ay maaari lamang magawa sa pamamagitan ng alkansya o di kaya ay ang pagpunta sa bangko at pagdeposito ng pera, ibang-iba na ngayon ang approach o paraan sa pagtatabi ng pera. Malaking bagay ang nagagawa ng digital kung kaya naman ay karamihan sa atin, lalo na sa mga bata ngayon na nagtatarabaho na ay natutununan ang pagiipon gamit ang teknolohiya.
Isang popular na programa ng pagiipon mula sa gobyerno ay ang Pagibig MP2 (Modified Pagibig II) Savings. Ang programang ito ay para sa mga miyembro ng Pagibig na boluntaryong naglalagay ng kontribusyon upang kumita ng mas mataas na dibidendo kumpara sa regular na Pagibig Savings Program. Ito ay tumatagal ng limang taon, at ang dibidendo ay nakabase sa kinita ng Pagibig kada taon. Bukod dito, ginagarantiya ng gobyerno ang principal amount na idineposito ng miyembro.
Marami ring digital banks ang nagbibigay ng mataas na interes para mahikayat ang mga mamamayan na magopen ng account gamit ang app at maglipat o maglagay ng pera dito. Halimbawa ay ang Tonik Bank, na nagbibigay ng halos 6% na interes. Malaking bagay ito kung tutuusin sapagkat ang interes sa banko ay hindi man lang aabot ng 1%.
Isa sa mga benepisyo ng pagiipon gamit ang digital banks ay ang kasanayan sa pagtatabi ng pera dahil sa dali lamang ng paggawa nito. Hindi na kailangan pumunta ng banko para ideposito ang pera sapagkat sa pamamagitan ng telepono o mobile phone ay maari nang ilipat ang perang pang ipon sa digital bank app nang hindi lumalabas ng bahay. Hindi na rin kailangan ng passbook sapagkat makikita rin agad agad ang pera gamit ang app. Internet lamang ang kailangan upang magamit ang app at maari ng makita ang mga naipon na pera, at ang kinita nitong interes. Marami din sa atin mas kumpyansa magimpok sa banko, at katulad ng passbook o ATM Savings ng CSBank, ito ay tamang tama para sa pagtabi ng bahagi ng sueldo o kita kada buwan. Meron din sila ng time deposit o special savings para sa mas mataas na interest rate.
Mainam na pagaralan ang mga digital banks o banko na lisensyado ng Banko Sentral ng Pilipinas at tingnan at ikumpara ang mga produktong angkop para sa pagiipon. Hinihikayat din na tingnan ang Pagibig MP2 na garantisado ng gobyerno.
Ang may-akda ay Founder at CEO ng Hungry Workhorse, isang kumpanya na nagbibigay ng serbisyo ukol sa digital at culture transformation. Siya ay nagtuturo ng strategic management sa MBA Program ng De La Salle University. Ang may-akda ay maaring i-email sa [email protected]