GOOD day, mga kapasada!
Mahalagang paksa ang tatalakayin natin sa isyung ito ng Patnubay ng Drayber. Hiling ko sa mga kapasada, para sa kapakanang pangkalikasan, unawaing mabuti at itanim sa isipan ang diwa ng bawat paksang ating tatalakayin.
Una sa lahat, pasalamatan natin ang ating palagiang kasangguni na si G. Jess Veloria, isang kilala at professional mechanic na hindi nagsasawang ibahagi sa atin ang mahahalagang insights na makatutulong sa ating kaligtasan sa pang-araw-araw na paggulong sa lansangan para sa kapakanang pangkaunlaran ng pamilya.
Narito ang pambungad na anekdota ni katotong Jess bago ibinahagi ang kanyang mga tip para sa kapakanang pangkaligtasan sa pagmamaneho ng ating mga kapasada.
“Mga kapasada, karaniwang tanawin sa mga pangunahing thoroughfares sa ating pang-araw-araw na ruta sa paggulong sa lansangan ang isang humaharurot na sasakyan na biglang nagpreno at bumangga, nagliparan ang mga basag na salamin, nagsigawan ang mga tao – ganyan ang karaniwang senaryo – aksiyong ala-tragedy drama kapag may traffic accident na nagaganap.”
Iyan ang paglalarawan sa unang salbo nang kapanayamin namin si Jess sa isang resto cafe sa Parañaque City kamakailan.
Ayon kay Jess, malinaw ang ulat ng Population Reference Bureau na sa buong universe (daigdig), humigit kumulang sa 1.2 milyong katao ang nasasawi sa mga aksidente sa lansangan taon-taon.
Gayundin, bahagi ng naturang estadistika ng PRB na umaabot sa bilang na 50 milyon more or less ang malubhang nasusugatan, na bagaman walang iniulat na kasarian ay grabe kung ito ang lumalabas sa estadistika.
Ano ba ang maaaring maiambag ng ating mga kapasada para malunasan o masagkaan kahit na kakatiting na bahagdan ang suliraning ito ng ating mga nasa industriya ng transportasyon?
Ang pagiging masinop sa pagtupad sa gawain mula umaga hanggang hapon ay kailangan, aniya, na may katambal na maayos na kaisipan sa kaligtasan at mahusay napagpapasiya upang maiwasan ang maraming bantang panganib sa pagmamaneho araw-araw.
PAGGALANG SA BATAS TRAPIKO GAWIN
Ayon kay Jess, tingnan natin kung papaano natin masasawata ang ating sarili sa ‘’di mabuting gawi sa pagmamaneho na karaniwang nagsasadlak sa aksidente sa lansangan.
Aniya, dapat na sundin ang batas sa speed limit (tulin ng pagpapatakbo), paggamit ng seat belt at ang paggamit ng cellphone na karaniwang scenario sa mabuhol na trapik sa mga pangunahing lansangan.
Sinabi ni Jess na maraming mga lansangan na parang napakababa o mabagal ang speed limit. Pero lumalampas ka man sa speed limit, kadalasan nang kaunting panahon lang ang matitipid mo.
Ibinigay na halimbawa ni Jess ang distansiyang 80 kilometro, ang speed limit ay 100 kilometro bawat oras, at magpapatakbo ka ng 120 kilometro bawat oras, totoo, makatitipid ka ng humigit kumulang sa walong minuto
Ang tanong: Sulit bang isapanganib ang buhay mo para lang makatipid ng ilang minuto?
ANG SEAT BELT PARA SA KALIGTASAN
Ilang taon na ang nakalilipas, nangako ako na magbakasyon sa California, isinama ako ng aking manugang sa kompanyang kanyang pinaglilingkuran.
Ang naturang kompanya ay nakatalaga sa non-life insurance na ang karamihan sa kanilang mga parokyano ay mga Filipino na nakatalaga sa Grab service.
Ayon kay Mitos, ang aking manugang sa Amerika, ang paggamit ng seat belt sa naturang bansa ay isang primordial concern ng mga drayber, maging pampribado at gamit na panghabambuhay.
Aniya, ayon sa isang ahensiya ng pamahalaan sa Amerika, ang paggamit ng seat belt ay nakapagligtas ng mahigit sa 72,000 buhay sa naturang bansa mula noong 2005 hanggang 2009.
Ito ang mahalagang sandata ng isang enterprising driver sa US sa kanilang pang-araw-araw na paggulong sa masikip at may buhol trapikong lansangan.
Samantala, inihayag ni Mitos ang karagdagang ulat tungkol sa paggamit ng seat belt na may kaugnayan naman sa malimit maging inquiry ng kanilang mga parokyano.
Kung may air bag, puwede bang huwag nang gumamit ng seat belt na kung minsan ay nakasasagabal din sa pagmamaneho? Mariing sagot ni Mitos, HINDI!
Ang air bag ay ginagamit kasama ng seat belt para sa karagdagang proteksiyon ng sarili sa panahon ng sakuna.
Kung walang seat belt ay wala ring halaga sa pangkaligtasang kahulugan ng air bag at ang isa sa mahigpit na ipinagbabawal sa batas ng trapiko sa US ay ang paggamit ng cellphone.
Kung mahalaga ang mensahe na dapat sagutin, humanap ng isang ligtas na pook tulad ng gasoline station o isang paradahang ligtas sa aksidente at doon gamitin ang ilang sandaling pagsagot sa cell phone kung urgent at ‘di maiiwasan ang paggamit nito, diin ni Mitos.
MAINTENANCE NG SASAKYAN SA KONDISYON NG KALSADA
Sa patuloy na pakikipanayam kay kasangguning Jess, inilarawan niya ang payak o simpleng sasakyan.
Ayon kay Jess, higit na mahina ang kapit ng gulong sa kalsada kapag ang lansangan ay maalikabok tulad ng alikabok na ibinuga ng pagsabog ng Bulkang Taal kamakailan.
Gayundin, kailangan ang ibayong ingat sa pagmamaneho kung ang dinaraanan ay mabuhangin o may graba upang maiwasan ang pagsalida ng sasakyan sa panahong ito ay gamitan ng preno.
Delikado ang mga intersection o pinagkurusan para sa lahat ng drayber. Kaya ipinapayo niya sa mga drayber na para maligtas sa peligro ang kanilang pagmamaneho, ugaliin na: kapag nagberde ang kulay ng traffic light, huwag kaagad na magsagawa ng abrupt (agarang) na pag-abante. Maghintay ng ilang sandali upang makaiwas na makabangga ng sasakyang hindi huminto sa red light.
MAHALAGA NA NASA KONDISYON ANG SASAKYAN
Binigyang-diin ni Jess na lubhang mahalaga ang pagiging nasa kondisyon ng sasakyan.
Isipin na lamang, aniya, kung hindi kumagat ang preno, kung ano ang masamang epektong idudulot nito sa iyong pagmamaneho.Malamang, aniya, ang end result ng ganitong kapabayaan ay humantong sa malagim na pangyayari, huli na kung pagsisisihan.
Para matakasan ang ganitong problema, dalhin on a regular basis ang sasakyan sa kuwalipikadong mekaniko para sa wastong maintenance. Ito ay dapat gawin kung ikaw na mismong may-ari ay hindi kayang gawin ng sarili.
Comments are closed.