PAAT BEST SCORER SA THAI VOLLEYBALL LEAGUE

ITINANGHAL si Mylene Paat bilang best scorer sa Volleyball Thailand League, kung saan siya ang unang Pinay na nakakuha ng individual award sa isang overseas volleyball league.

“Napakabuti mo PANGINOON!,” pahayag ng dating Adamson University opposite hitter sa isang Instagram post.

Tinanggap din ni Paat ang kaparehong award sa 2018 Philippine Superliga All Filipino Conference.

Ang kanyang koponan na Nakhonratchasima VC ay tumapos sa ikatlong puwesto sa torneo makaraang gapiin ang  Konkhaen Star 25-18, 25-23, 21-25, 25-14, noong Linggo,

Si Paat ay naglaro kasama si fellow Chery Tiggo Crossovers player Dindin Santiago-Manabat bilang imports sa Thai team.

Sina Paat at Santiago-Manabat ay babalik sa Crossovers para idepensa ang kanilang korona sa Premier Volleyball League na magsisimula sa Marso 16.