RODRIGUEZ – BINALOT ng pangamba ang mga residente sa 1A housing project sa San Isidro makaraang mamataan ang bilang ng mga miyembro ng Kadamay.
Nabatid na sinubukan umano ng nasabing urban poor group ang nasabing pabahay na ginawa para sa mga pulis at sundalo.
Tinangka rin umanong okupahin ng grupo ang 1B area subalit agad napigilan.
Ang Kadamay ay kinatatakutan ng mga may-ari ng bahay sa mga housing unit ng pamahalaan dahil sa ginawa ng mga ito na pag-okupa sa Pandi, Bulacan, kung saan hinayaan na lang silang manatili roon ni Pangulong Rodrigo Duterte para maiwasan ang gulo.
Subalit, dahil sa pinakahuling pagsalakay ng Kadamay, nababahala ang ilang residente na lumabas sa bahay at baka ang kanilang tirahan naman ang pasukin ng grupo.
Sinabi ni Rodriguez, Rizal COP Supt. Pablito Naganag, kontrolado nila ang sitwasyon at wala pa namang bahay na napasok ang mga sumugod.
Sa panig naman ng Kadamay, sinabi ng kanilang national chairperson na si Gloria Arellano na gusto lang ng kanilang mga miyembro na pakinggan ang mga karaingan kaya pumasok sa nasabing lugar.
Giit nila, mahigit limang taon nang nag-apply ang kanilang mga miyembro sa housing project ngunit hindi pa rin napagkakalooban ng matitirhan. VERLIN RUIZ
Comments are closed.