KAPWA naniniwala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at ang International Monetary Fund (IMF) na walang dapat ikabahala sa pagbaba ng remittances ng overseas Filipinos (OFs) noong Marso.
Ayon kay BSP Deputy Governor Diwa Guinigundo, ang pagbaba ng remittances ng 9.8 percent noong Marso ay hindi inaasahang magpapatuloy sa mga susunod na buwan.
Tinukoy ni Guinigundo ang tatlong dahilan sa pagbulusok ng remittances sa pinakamababang antas magmula noong Abril 2003 — high base effects noong Marso ng nakaraang taon, mas kaunting banking days dahil sa paggunita sa Semana Santa sa naturang buwan, at repatriation ng mga manggagawa sa Middle East, partikular sa Kuwait.
Sinang-ayunan ni IMF Resident Representative to the Philippine Yongzheng Yang ang BSP, at sinabing ang pagbaba ng re-mittances tulad ng iniulat ng BSP ay hindi nila ikinabahala.
“Because the decline in remittances are ‘several technical reasons’ the contraction is ‘likely to be temporary’ and ‘not cause much concern’,” pahayag ni Yang.
Sa hiwalay na pagsusuri, sinabi ni Joey Cuyegkeng ng ING Bank Manila na umaasa silang babawi ang remittances sa Abril.
“We had expected that remittances would more than cover the March trade deficit by $100 million. Instead remittances in March were $248 million short to cover the trade gap. The shortfall of remittances is the norm and contributes to the underlying weakness of peso,” ani Cuyegkeng.
“The recent bout of peso weakness is a combination of this shortfall, low emerging market risk appetite, the market’s dovish take of the central bank’s policy rate hike and higher oil prices,” dagdag pa niya.
Ang 2017 level ng remittances ay bumubuo sa tinatayang 10 percent ng gross domestic product (GDP) at 8.3 percent ng gross national income (GNI). BIANCA CUARESMA
Comments are closed.