PADALA NG OFWs BUHOS SA PAGSISIMULA NG ‘BER’ MONTHS

REMITTANCE-3

TUMAAS ang cash remittances ng overseas Filipino workers (OFWs) ng 2.3 percent noong Setyembre, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sa datos ng BSP, ang mga OFW ay nakapagpadala ng $2.2 billion noong Setyembre upang pumalo ang total cash remittances sa unang siyam na buwan ng taon sa $21.3 billion.

Mas mataas ito ng 2.5 percent kumpara sa kaparehong panahon noong 2017.

Ayon sa central bank, mahigit sa 79 percent ng total cash remittances para sa ­unang siyam na buwan ay nagmula sa United States, Saudi Arabia, UAE, ­Singapore, Japan, United Kingdom, ­Qatar, Canada, Germany at Hong Kong.

Samantala, ang personal remittances mula Enero hanggang ­Setyembre ay tumaas ng 2.4 percent upang umabot sa $23.7 billion.

Habang tumaas ang cash remittances noong Setyembre 2018 kum­para noong nakaraang taon, ito ang pinakamababang monthly volume ng remittances sa loob ng 12 buwan o magmula noong Setyembre ng nakaraang taon.

Sa pagtaya ng BSP, ang remittances ay tataas ng average na 4 percent ngayong taon. Nangangahulugan ito na upang matamo ang projection na ito, ang pera mula sa Filipino migrant workers ay kailangang magtala ng monthly growth rate na 8.5 percent sa last quarter ng taon.

Sinabi ni BSP Officer-in-Charge Maria Almasara Cyd Tuano-Amador na sa loob ng siyam na buwan, ang cash remittance mula sa land-based at sea-based workers ay lumaki sa naturang panahon.

Ang remitances mula sa land-based workers ay lumaki ng 2.2 percent sa $16.8 billion habang ang sea-based workers ay tumaas ng 3.5 percent sa $4.5 billion.

Ang mga bansa na nakatulong sa pagsipa ng remittances noong Setyembre 2018 ay ang Canada, United States at Taiwan.

Ang remittances ay bumubuo sa 10 percent ng gross domestic pro­duct (GDP) ng bansa.

Comments are closed.