PADIOS KUMINANG SA PENCAK SILAT

DINALA ni Mary Francine Padios ang kanyang winning act sa Southeast Asian Games sa 8th Women’s Martial Arts (WMA) Festival nitong Linggo sa Rizal Memorial Coliseum.

Dinomina ng 19-year-old SEA Games champion ang Seni Tunggal singles category ng pencak silat makaraang umiskor ng 9.587 points upang maiuwi ang unang gold medal sa games na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC).

Ito rin ang unang pagkakataon na nakopo ni Padios ang gold matapos ang tatlong pagtatangka upang madominahan ang kanyang pet event kung saan nagwagi rin siya ng bronze medal sa Pencak Silat World Championships sa Malacca, Malaysia ngayong taon.

“Hindi po sana ako maglalaro ngayon pero napanaginipan ko po ang papa ko at parang pinapaalalahan po ako sa responsibilidad ko ngayon, hindi lang sa bansa dahil ako na din ngayon ang tumatayong padre de pamilya,’’ sabi ni eary-eyed Padios.

Ang ama ni Padios ay pumanaw makaraang masungkit niya ang unang SEA Games gold medal ng bansa sa Vietnam noong nakaraang Mayo.

Nagkasya si Cherry Mae Regalado ng Phil. Speed Warriors-Aklan, bronze medalist sa 2018 Asian Games, sa silver na may 9.246 points habang naibulsa ni Lorraine Verde ng Isat U KBD ang bronze na may 8.897 points.

Sa judo training center sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex, pinagharian ni jiu-jitsu grappler Shanta Loise Carlos ang under 54kg ng sport makaraang gapiin si Gliza Bea Jacinto habang pumangatlo si Erica Barros.

Nakopo ni Mariella Rafael ng pares ng golds sa over 54kg at absolute category makaraang gapiin si Joanne Bognadon sa huli at pataubin si Ashley Baluyot sa absolute.

Sa karate, nasungkit ni Fatima A-Isha Lim Hamsain kasama sina Baby Angel Lamorte at Christina Colonia ang gold sa team kata.

CLYDE MARIANO