PADRE PIO 20 ARAW MAMAMALAGI SA PILIPINAS

MAYNILA – Sa kauna-unahang pagkakataon ay makakarating na sa Pilipinas ang relic ni Saint Padre Pio.

Ayon kay Father Joselin Gonda, rector ng National Shrine of Saint Pio sa Sto. Tomas, Batangas, ang relic ng santo ay mananatili sa bansa simula Oktubre 6 hanggang 26.

Dapat sana ay 10-araw itong mananatili sa unang bahagi ng Setyembre kasabay ng centenary nang paglitaw ng stigmata ni Padre Pio ngunit hindi ito natuloy dahil na-tapat ito sa assembly ng mga Italian bishop sa San Giovanni Rotondo, sa southern Italy, kung saan matatagpuan ang shrine na kinaroroonan ng mga labi at mga relic ng santo.

Sinabi naman ni Gonda na bagama’t naantala ang pagbisita sa bansa ng relic ay mas magtatagal naman ito, at sa halip na 10 araw lamang ay 20 araw itong mananatili sa Pilipinas.

Plano aniya nilang madala ang relic ng tig-tatlong araw sa Maynila (Luzon), Cebu (Visayas) at Davao (Mindanao).

Si Padre Pio, ay ipinanganak sa Pietrelcina, at nagtungo sa Capuchin monastery sa San Giovanni Rotondo noong 1916, bago tuluyang binawian ng buhay noong Marso 1968.

Bukod sa kanyang debosyon sa Panginoon, ay kilala rin si Saint Padre Pio sa kanyang pag-aalaga, pagmamalasakit at pagpapagaling sa mga may sakit, at propesiya na naisailalim siya sa ­kanonisasyon ni Pope John Paul II noong 2002. ANA ROSARIO HERNANDEZ

 

Comments are closed.