PAF JETS HINILING NA ILAGAY SA PALAWAN

MATAPOS  ang isa na namang insidente ng pambobomba ng tubig at pagbangga ng China Coast Guard (CCG) ship sa Philippine resupply ship sa Ayungin Shoal kamakailan, nais ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na magtalaga o magdestino ng dalawa o tatlo sa 12 fighter jets ng Philippine Air Force (PAF) sa Palawan.

Sa isang pahayag, sinabi ni Speaker Romualdez na:, “mayroon tayong 12 na fighter jets sa Basa Airbase sa Pampanga, baka pwede idestino ang dalawa o tatlo sa mga ito, para naman makapag-patrolya sa Philippine airspace at iba pang lugar around Palawan”.

“Hindi natin pino-provoke ‘yung China pero responsibility ng Philippine Air Force to patrol our skies,” paliwanag ni Romualdez.

Aniya, “iba rin kasi feeling kapag alam mo na nasa taas mo yung kakampi mo. You feel secured”.

Ipapatawag ng house leader si AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner pati na ang mga hepe ng Airforce, Navy, at Army sa mga susunod na araw para pag-usapan ang nasabing plano.

Sang-ayon naman ang hepe ng Western Command na si Vice-Admiral Alberto Carlos sa plano ni Cong. Romualdez.

“It will boost the moral of our personnel in the area lalo na yung mga fishermen natin pag nakita na nasa himpapawid yung mga eroplano natin”, ayon sa military official.

“Nakakapagpalakas po ng loob yun pag nandyan mga eroplanong pandigma natin”, sabi naman ng grupo ng mga mangingisda mula Aborlan, Palawan.

Maging si Palawan District Cong. Jose Alvarez ay suportado ang gusto ni Romualdez. “Maganda maglagay sila dito kahit dalawa lang. Matagal ko na sinasabi yan,” ani Alvarez.

Sa survey ng OCTA Research noong November 2023, lumalabas na maraming Pilipino ang gusto ng mas agresibong aksyon ng militar sa West Philippine Sea.