PAG-AARAL sa tahanan.
Ito ang nakikita ni Senador Win Gatchalian na pinakamabisa at pinakaligtas na paraan upang maipagpatuloy ang pag-aaral ng mahigit 27 mi-lyong mga mag-aaral sa buong bansa sa kabila ng patuloy na banta ng COVID-19.
Ayon kay Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, kailangang panatilihin pa rin sa mga paaralan ang social distancing kapag nagbukas na ang klase sa buwan ng Agosto. Sabi kasi ni Gatchalian, hindi dapat lumagpas sa dalawampung mag-aaral ang kailangang pumasok sa isang silid-aralan upang mapigilan ang patuloy na pagkalat ng COVID-19. Dagdag ng senador, maaaring hindi na pumasok araw-araw ang mga mag-aaral upang maiwasan ang mga malalaking pagtitipon na maaaring maging sanhi ng lalong pagkalat ng virus.
Kung halimbawang hindi na kailangang pumasok ng mga mag-aaral mula Lunes hanggang Biyernes, sinabi ng mambabatas na kailangan pa rin nilang ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa tahanan gamit ang iba’t ibang plataporma o learning modalities. Kabilang dito ang mga online platforms, telebisyon, radyo, at mga printed materials.
Ayon kay Gatchalian, ang sabay-sabay na paggamit sa digital, low-tech, at no-tech na pamamaraan ng pagtuturo ay makatutulong upang maturuan ang lahat ng mga mag-aaral sa bansa, lalo na iyong mga nasa malalayong lugar at walang internet. Dahil hindi lahat ng mga mag-aaral ay kayang mag-online, nakikita ng senador na malaki ang magiging papel ng radyo at telebisyon upang maabot ang mas maraming mga mag-aaral.
Ayon sa ulat ng Dataxis, isang global firm na dalubhasa sa media business, mahigit labingwalong milyong sambahayan sa Filipinas ang nanonood pa rin ng telebisyon. Kung ihahambing sa ibang medium tulad ng radyo, mas pinipili pa rin ng 93 ng mga Filipino ang panonood sa telebisyon. Sa ilalim ng Republic Act No. 8370 o ang Children’s Television Act of 1997, mandato sa mga istasyon ng telebisyon ang maglaan ng hindi bababa sa labinlimang porsiyento ng kanilang air time para sa mga programang pambata.
Ayon naman sa ulat na 2019 Media Trends ng media intelligence firm na Kantar Media, mahigit limampung (52) porsyento ng mga Pinoy ang nagmamay-ari o gumagamit pa rin ng radyo.
Bagama’t malaki ang nakikita ni Gatchalian na magiging papel ng radyo at telebisyon sa binubuong Learning Continuity Plan ng DepEd, iminungkahi niya na bawasan ang mga subjects at tumutok na lang sa mga tinaguriang core subjects tulad ng Math, Science, English, at iba pa. Ipinanukala rin ni Gatchalian ang pakikipag-ugnayan ng DepEd sa media sa ilalim ng gobyerno tulad ng People’s Television Network o PTV-4 at ang Radyo ng Bayan, kung saan pwedeng ipalabas ang mga programang makapagbibigay ng edukasyon sa mga estudyante.
Kasunod ng anunsiyo ng DepEd na sa Agosto na magbubukas ang klase, mahalaga ayon sa mambabatas na ihanda ang mga mag-aaral, mga magulang, at mga guro para sa home-based learning. VICKY CERVALES
Comments are closed.