(Pag-aaralan ng DA)P15K El Niño SUBSIDY SA FARMERS, FISHERS

magsasaka

PAG-AARALAN ng Department of Agriculture (DA) ang panukalang P15,000 production subsidy sa mga magsasaka at mangingisda sa gitna ng banta ng El Niño.

Naunang sinabi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na makatutulong ang subsidiya sa mga agricultural worker sa gitna ng production challenges dahil sa inaasahang pagsisimula ng El Niño o tagtuyot sa bansa.

Gayunman, sinabi ng DA na wala pa itong natatanggap na formal request mula sa agricultural workers.

“Well, first time ko pa lang marinig ang proposal. But tingnan namin siguro kung they will formally forward it to us kasi gusto naming makita ‘yung breakdown saka sino ba ang pino-propose nilang mag-receive n’un,” wika ni DA Director U-Nichols Manalo.

Ayon sa grupo, base sa datos ng gobyerno, may 13.6 million fishery at agricultural workers sa buong bansa ang maaaring mabawasan ang produksiyon sa panahob ng El Niño.

Sa kasalukuyan, ang DA ay nagkakaloob ng seed at fertilizer subsidies sa mga magsasaka at fuel subsidies sa mga mangingisda.