APATNAPU’T isang taon na mula nang paslangin si Ninoy Aquino sa dating Manila International Airport (na ngayon ay Ninoy Aquino International Airport na) noong Agosto 21, 1983.
Marami na ang nasabi tungkol sa makasaysayang pangyayaring ito na nagpabago ng kasaysayan ng ating bansa. Kahit ako, na taon-taon ay sumusulat tungkol dito upang gunitain ang sakripisyo ni Ninoy, ay nahihirapan kung minsan na maghanap ng bagong perspektibo.
Napakaraming manunulat at personalidad na ang sumuri sa bawat aspeto ng pangyayaring ito—ang pagpatay sa kanya at ang kanyang pamana para sa mga Pilipino.
Gayunpaman, ang dahilan kung bakit ako—at marami pang iba—ay patuloy na sumusulat tungkol dito ay upang tulungan ang ating mga kababayan na patuloy na makaalala, upang matiyak na hindi mauuwi sa paglimot ang ating bansa.
Ngayong taon, inilipat ng kasalukuyang pangulo ang paggunita sa Araw ni Ninoy Aquino mula Agosto 21 (Miyerkoles) sa Agosto 23 (Biyernes) upang magkaroon umano ng long weekend at maisulong ang lokal na turismo. Bilang tugon, naglabas naman ng pahayag ang pamilya ni Ninoy na nagsasabing ang pagpalit ng petsa ay hindi makakabawas sa kanyang pamana.
Ayon sa pahayag, ito ay hindi makakaapekto sa katotohanang namatay si Ninoy para ipaglaban ang bayan at ang mga taong kanyang minahal, na ang kanyang kamatayan ay nagsilbing mitsa ng isang rebolusyon na nagpabagsak sa pamamahala ni Marcos Sr. Sa kabila nito, may ilan pa ring nagpahayag ng kanilang hangarin na ipagpatuloy ang paggunita sa orihinal na petsa, Agosto 21.
Ang long weekend ay magbibigay ng pagkakataon sa mas maraming pamilyang Pilipino na magpahinga—isa itong mabuting bagay. Sa gitna ng lahat, nawa’y maglaan tayo ng ilang sandali ngayong linggo, anumang araw ang ating mapili, upang alalahanin ang ating bayani. Mahalagang masiguro natin na ang mga kabataan sa ating pamilya ay nakakaalam ng tunay na kwento ni Ninoy at nakakaunawa ng kahalagahan ng kanyang mga sakripisyo.
(Itutuloy)