(Pagpapatuloy…)
KUNG hindi ka pa nakakuha ng kopya ng *A Death Foretold: The Ninoy Aquino Assassination Remembered* (inilathala nina Aurora Oreta at Good Intentions Books, 2023) para sa iyong pamilya, ngayon na ang tamang pagkakataon para bumili.
Edited nina Sarge Lacuesta, An Mercado-Alcantara, at Mookie Katigbak-Lacuesta ang aklat na ito at inilabas noong nakaraang taon (2023) bilang paggunita sa ika-40 anibersaryo ng pagkamatay ni Ninoy Aquino. Si Aurora Oreta, ang anak nina Antolin M. Oreta Jr. at yumaong Senadora Tessie Aquino-Oreta, ang bunsong kapatid ni Ninoy, ang nanguna sa paglalathala ng aklat (publisher).
Ang publikasyong nabanggit ay mainit na tinanggap ng madla noong inilabas ito. Karapat-dapat lamang na magkaroon ito ng puwang sa bawat tahanan ng pamilyang Pilipino. Sa isang rebyu na inilathala sa Philippine Daily Inquirer noong nakaraang taon, pinuri ito ni Neni Sta. Romana Cruz, na nagsabing mahusay ang aklat at tiyak na magiging kapaki-pakinabang sa mga mambabasa ngayon, lalo na sa mga guro at mag-aaral. Dagdag pa niya, nagkaroon ng sariling buhay ang aklat, at maaari umano itong maipagmalaki.
Bisitahin ang Good Intentions Books sa Instagram kung nais mag-order ng inyong kopya.
***
Mag-ingat tayong lahat sa hangin, lalo na ang mga kababayan nating nakatira malapit sa Taal Volcano dahil nagbuga ng vog (volcanic smog) ang bulkan at bagaman medyo maaliwalas na ang himpapawid sa ngayon, ipinapayong patuloy na magmatyag ang lahat upang maiwasan ang mapahamak. Ingatan din natin ang ating mga alagang hayop, ipasok sila sa loob kung maging makapal na naman ang vog sa hangin at takpan ang kanilang mga inumin at pagkain.