PAG-ANGKAS SA MOTOR MALAPIT NA, PINAYAGAN NA ‘IN PRINCIPLE’; NTF MAG-IISYU NG GUIDELINES

ANGKAS

PINAYAGAN na ‘in principle’ ang pag-aangkas sa motorsiklo subalit kailangang maglabas ng guide- lines ang National Task Force (NTF) on COVID-19 response hinggil dito, ayon sa Malacañang.

Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na bubuo ang pamahalaan ng guidelines upang matiyak ang tamang pagpapatupad ng safety protocols para sa backriding.

“So malapit na po ang backriding pero kinakailangan ang NTF po ang mag-issue ng nga guidelines,” ani Roque.

“Pinapayagan na in principle ang backriding upon the approval of the requirements na ise-set ng technical,” sabi pa niya.

Nagpatupad ang gobyerno ng “no back-ride” policy sa gitna ng nationwide community quarantine dulot ng ­COVID-19 crisis.

Nauna nang sinabi ni Presidente Rodrigo Duterte na hindi niya mapapayagan ang motorcycle backriding dahil hindi maipatutupad ang physical distancing.

Ayon kay Roque, inatasan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang  Departments of Transportation, Science and Technology, at Health; ang Metro Manila Development Authority; at ang Bureau of Philippine Standards ng Department of Trade and Industry na magpulong para maghanap ng pinaka-epektibong paraan upang mapigilan ang paghawa ng virus sa pagitan ng driver at ng pasahero sa motorsiklo.

“[Sila ay] inatasan na magpulong at alamin ang pinakaligtas at pinaka-epektibong paraan para mabawasan ang transmission sa backriding sa mga motorsiklo,” sabi pa ni Roque.

Comments are closed.