PAG-ANGKAT NG MANOK IPINATITIGIL DAHIL SA LOW DEMAND SA GITNA NG COVID-19

MANOK-8

DAPAT na itigil muna ng pamahalaan ang pag-angkat ng manok dahil sa mababang demand nito sa bansa, ayon sa isang opisyal ng United Broilers Raisers’ Association (UBRA).

Paliwanag ni UBRA Chairman Gregorio San Diego, dapat na ihinto muna ng gobyerno ang importasyon ng manok dahil apektado ang demand nito simula nang unang ipatupad ang Luzon-wide enhanced community quarantine (ECQ) noong Marso 17.

“Hirap na hirap na kami simula noong  mag-ECQ tayo kasi lumiit ang demand, eh. Ang malaking consumption ng manok ay galing sa hotels, restaurants, fastfood. Eh, sarado lahat bigla,” ani San Diego.

“Sa US, Europe, pinatitigil na nila ang importation to protect their own, sana ganoon din tayo. Ang projection po ng DA, magre-recover  by fourth quarter, at magkakaroon ng 256 kilos na sobra. That is already worth one year of supply,” dagdag pa niya.

“Parang may gripo na nawalan ng tubig, eh. Hindi napaghandaan, eh. Ine-expect pa naman natin na lalaki ang demand sa manok dahil sa kakulangan ng baboy [dahil sa African Swine Flu],” sabi pa ni San Diego.

Nagbabala si San Diego na posibleng tumigil na sa kanilang produksiyon ang mga breeder kapag nagpatuloy pa ang pag-angkat ng manok.

“Sana masolusyunan  kasi natatakot kami baka tumigil ang mga breeder. Kung walang sisiw, mas matagal na makaka-recover ang production,” dagdag pa niya.

Comments are closed.