SA PAGDIRIWANG ng ika-91 na anibersaryo ng kaarawan ni dating Pangulo Corazon Cojuangco Aquino nitong ika-25 ng Enero, mahalaga na magbalik-tanaw tayo sa kanyang kahanga-hangang ambag sa kasaysayan ng ating bansa.
Si Pangulong Cory ay naging lider ng mga Pilipino sa panahong hindi madali ang mamuno. Ngunit tinahak niya ang daan tungo sa tunay na demokrasya.
Ayon sa mga opisyal na malapit sa kanya noong siya’y pangulo, kinailangan umano ni Pangulong Cory na harapin ang mga alitan sa Palasyo at sa pagitan ng kanyang mga kaalyado, ang mga batikos dito sa atin at maging sa ibang bansa, at ang pabago-bagong lagay ng ekonomiya, media na naging mahigpit sa pamahalaan noon, at mga mamamayang naiinip na para sa pagbabago.
Mahalaga ang patuloy na pagbibigay-pugay para sa ating mga yumaong lider na naging bahagi ng ating kasaysayan. Mahigit labing-apat na taon matapos ang kanyang kamatayan, inaalala natin ang papel ni Pangulong Cory bilang isang babaeng tumugon sa tawag na maglingkod sa ating bayan nang buong tapang. Ang mga taon pagkatapos niyang magsimulang magsilbi sa bayan bilang pangulo ay hindi naging madali, ngunit hinikayat niya ang buong bansa na magkaisa upang malampasan ang mga hamon.
Matapang na nilabanan ni Pangulong Cory ang korupsiyon at inalagaan ang kalayaan at mga karapatan ng mamamayang Pilipino. Binuhay niyang muli ang tiwala sa pamahalaan, inayos niya ang mga dapat ayusin, at tumayo bilang simbolo ng pag-asa at magandang kinabukasan. Higit sa lahat, pinag-alab niya sa ating puso ang pagpapahalaga at pangangalaga sa ating demokrasya.
(Itutuloy…)