PAG-ASA AT INSPIRASYON PARA SA KINABUKASAN

(Pagpapatuloy…)
ITO ay ang pagpapatuloy ng pag-alaala natin sa ika-91 anibersaryo ng kapanganakan ng dating Pangulong Corazon Cojuangco Aquino noong Enero 25.

Ngayon nga ay nakaatang sa ating mga balikat ang responsibilidad na ipagtanggol ang ating pinaghirapang mga karapatan at kalayaan sapagkat kung hindi natin ito gagawin, maaari itong mawala nang tuluyan. Mayroon din tayong obligasyon sa ating mga kababayan na ipaglaban sila kung kinakailangan, at tumindig nang sama-sama upang mapabuti ang ating bansa.

Huwag nating kalimutan ang isa sa pinakamahalagang aral mula sa Edsa Revolution—may magagawa tayo, kahit tila tayo ay maliit o walang kapangyarihan.

Maraming taon matapos makalipas ang pagpanaw ni Pangulong Cory, nananatili ang kahalagahan ng mga aral na itinuro niya. Sa gitna ng maraming hamon na kinakaharap ng ating bansa ngayon, hayaan nating patuloy na magbigay inspirasyon ang kanyang buhay at pamumuno.

Ang ating mga lider sa kasalukuyan ay maaaring kumuha ng mahahalagang perspektibo mula sa kanya, sa usapin ng pananampalataya, pagpapahalaga, at kanyang mga prinsipyo. Ang kanyang matatag na dedikasyon sa pagsugpo ng katiwalian at pagsulong ng karapatan ng mamamayan ay dapat maging gabay nating lahat ngayon.

Lahat tayo ay kailangang maging masigasig upang tiyakin na ang mga sinimulan ni Pangulong Cory ay magpatuloy na humubog sa kinabukasan ng ating bayan. Ang pagsasabuhay nito ay paguukit na rin sa ating alaala na minsan ay may matapang na babaeng lumaban para sa ating kalayaan at nagbalik ng demokrasya sa ating bansa. Ituon natin ang pansin sa hinaharap, sa pagpapatuloy ng mga makabayang prinsipyong buong puso niyang itinaguyod.