MUNTIK nang sukuan ang buhay at mga pangarap dahil sa mga dinanas na iba’t ibang pagsubok sa buhay, subalit muling binuhay ang kinabukasan ng technical-vocational (tech-voc) ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Ito ang naging karanasan ni Bryan Hernandez na itinanghal na Tatak TESDA Grand Winner sa ginanap na Tatak TESDA Video Making Contest 1 noong 2014.
Ang childhood dreams niya ay maging astronaut o maging doctor subalit hindi ito natupad.
Ayon sa kuwento ni Bryan, namatay ang kanyang ina noong 9-anyos pa lamang siya. Halos gumuho umano ang kanyang buhay nang mamatay ang kanyang ina.
Nasundan pa ang nasabing pagsubok nang mamatay ang kanyang lolo at sumunod naman ang kanyang ama at dahilan upang mawala din ang kanil-ang mga kabuhayan at ang kanyang maagang pag-aasawa.
Siya ay nagtapos sa kolehiyo noong 1998 sa kursong Bachelor in Commerce subalit nahirapan siyang makapasok ng trabaho dahil wala pa siyang experience at skills.
Sa kabila na isa siyang college graduate at sa kagustuhan nitong masuportahan ang kanyang pamilya at may panggatas ang kanyang anak, napilitan itong maglako ng mga mabibigat na kagamitan tulad ng lamesa para lamang kumita.
“Nagha-house-to house talaga ako. Kumita man lang ako ng P100, may pambili na ako ng gatas para sa baby ko,” ani Bryan.
Dumating pa umano ang isa pang dagok sa kanyang buhay, nang magkasakit siya at maospital na muntik nitong ikinamatay.
“Sa mga oras na iyon, sinasabi ko na, Panginoon kunin mo na ako. Isa lang ang sagot ang narinig ko sa kanya, Hindi mo pa oras. Kaya pagkatapos noon, lahat ng bagay na nawala sa akin, unti-unti n’yang ibinalik,” paglalahad nito.
Ang pinakamalaking tulong umano sa kanya ay nang mag-enroll siya sa TESDA noong 2006 sa community based course na call center services at ini-upgrade nya ito sa communication. Dahil sa nasabing skills, nagkatrabaho siya sa call center, pagkatapos nito, kinuha siya bilang director ng isang unibersidad.
Pagkatapos nito, nagtayo siya ng kanyang sariling call center, ang East West Corporation Center for Excellence Training Corporation. Sa kasalukuyan ay may 3 branches na ito, 2 sa Alaminos at 1 sa Calamba, pawang nasa lalawigan ng Laguna.
Umaabot na umano sa mahigit 20,000 scholars ang kanilang natulungan para sa sanayin at nakapagtrabaho subalit nais pa nitong palawakin at palakihin pa sa pamamagitan ng inilunsad nitong mobile training at job and scholarship caravan.
Pangarap pa umano nito na marami pa siyang matulungan na makapagtrabaho. “Nais kong i-share ang aking success sa ibang tao dahil para sa akin ang success is not just for myself but also for the others”.
Naniniwala si Bryan na mas maganda pa ang TESDA kaysa nagtapos ng bachelor degree dahil mas nakatulong umano ito sa kanya upang magtagumpay.
Comments are closed.