PAG-ASENSO SA PINILING TRABAHO

TRABAHO-9

(Ni CT SARIGUMBA)

PAG-ASENSO sa piniling karera o trabaho, iyan ang inaasam-asam ng marami. Pinagsusumikapan ng lahat na maabot ang tagumpay na kanilang minimithi. Hindi nga naman tayo nagtatrabaho ng wala lang. Kumbaga, nagpapakahirap tayong magtrabaho upang mahawakan natin o maabot ang tugatog ng tagumpay.

Bukod pa roon, ang trabaho rin ang itinutu­ring na stepping stone sa pagiging successful. Dito nga naman nakasalalay ang financial stability ng isang indibiduwal. Kung wala nga namang trabaho, mahihirapan itong gumalaw. Tiyak ding hindi nito matutustusan ang mga pangangailangan ng pami-lya sa araw-araw.

Kasabay ng pag-asenso ang pagtitiyaga upang maging successful sa larangang pinili. At para nga maging successful sa piniling career, narito ang ilang tips na kailangang isaalang-alang:

MAGING MAPAGPASENSIYA

Bawat empleyado o tao, kailangang matutong maging mapagpasensiya. Oo, may mga panahong nauubos talaga ang pasensiya natin at hindi natin nagagawang pigilin ang ating sarili.

Ngunit may mga bagay na puwede namang palampasin na lang kung hindi naman ito makabubuti o makatutulong upang maabot mo ang iyong pina-kami­mithing tagumpay.

Sanayin o turuan natin ang sariling maging mahinahon—kahit pa matindi na ang kinahaharap na problema o pagsubok.

Huwag paiiralin ang init ng ulo dahil wala itong maitutulong na maganda.

NGUMITI AT MAGING POSITIBO

Mahalaga rin ang pag-iisip ng positibo at matutong ngumiti sa kabila ng mga pinagdaraanang pagsubok.

Pairalin sa pagtatrabaho ang pagi­ging positibo. Mas magiging maganda rin ang buong araw na pagtatrabaho kung ngingiti at pananatilihin ang positibong pananaw.

Iwasan ang pagsimangot. Bukod sa nakapapangit ito, wala pa itong magandang naidudulot sa iyo at maging sa kompanyang pinaglilingkuran.

Nakababawas din ng nadaramang stress ang pagngiti at pagiging positibo.

IWASAN ANG KATAMARANG MAGTRABAHO

Kung minsan ay nangyayari sa atin ang tamaring magtrabaho. Natural lamang iyon. Ang hindi natural ay ang katamarang magtrabaho sa araw-araw o sa bawat minuto. Iyong paminsan-minsang nakadarama ka ng katamaran, puwedeng pagbigyan. Pero kapag dumalas na, masama na at kailangan nang gawan ng paraan.

Kung tatamaring magtrabaho, malaki ang mawawala sa iyo. Higit sa lahat, mas magiging imposible rin ang hangad mong magtagumpay sa buhay.

Kaya naman, mainam na gawin ay sikaping magtrabaho ng maayos kahit na nakadarama ng katamaran.

Makatutulong din upang maging produktibo ay ang pagpasok ng maaga.

KAGUSTUHANG MATUTO

Sabihin mang marami na tayong alam o nalalaman sa klase ng trabahong pinili natin, hindi pa rin sapat iyon. Mainam kung araw-araw ay tutuklas tayo ng bagong kaalamang makatutulong upang maabot natin ang ating mithiin sa buhay—ang umasenso.

Kaya naman, huwag tayong makontento sa kung ano lang ang alam natin. Ang gawin natin, mag-aral pa o tumuklas pa ng mga bagay-bagay na ma-katutulong sa ating pag-asenso.

Marami pa rin sa panahon ngayon ang walang trabaho o patuloy na umaasang makatitisod ng trabahong swak sa kanila. Kaya naman, sa mga may-roong trabaho, ingatan at mahalin ninyo ang inyong trabaho. Huwag i-take for granted. Dahil kapag nawala iyan, baka pagsisihan ninyo.

Higit sa lahat ay gumawa ng iba’t ibang pa­raan upang lalo pang mapagbuti ang ginagawa at ma-achieve ang goal mo na umasenso.

Comments are closed.