PAG-IINGAT SA PAMIMILI

PAMIMILI-2

MARAMI na sa atin ang ngayon pa lang ay namimili na ng mga ipanreregalo sa kanilang mahal sa buhay.

Kunsabagay, mas mainam nga naman iyong habang maaga ay nakapamili na para hindi na makipagsiksikan. Mahirap din kasing makapamili ng maganda at maayos kung sasabay sa dagsa ng tao. Kapag matao pa naman o marami tayong nakasabay sa pamimili, hindi maiiwasan ang pag-init ng ating ulo.

Kaligayahan na nga naman ng marami sa atin ang makapag-share ng blessing sa iba. Kumbaga, kahit na nagsipagtaas ang mga bilihin ay naglalaan pa rin ng salapi para pambili ng maireregalo sa kanilang mga mahal sa buhay, kaibigan at katrabaho.

Maraming problema ang maaari nating kaharapin sa pamimili. Hindi nga lang naman kasi tayo ang naghahanap ng maganda at katangi-tanging regalo, kundi ang karamihan sa atin. Lahat nga naman ay nag-aasam na mapasaya ang kanilang mga mahal sa buhay sa pamamagitan ng pagbibigay ng katangi-tanging regalo.

At sa pagbibigay rin ng regalo, hindi mahalaga ang presyo. Ang importante ay bukal ito sa iyong dibdib. Gusto mo ang ginagawa mo at masaya kang gawin ito.

Marami tayong option sa pamimili ngayong nalalapit na holiday. Puwede tayong makipagsiksikan sa Divisoria o sa tiangge. Puwede rin namang sa mall tayo magtungo para mamili. O kaya naman, sa online.

Pero ano’t anuman ang piliin mo sa pamimili, kailangan pa ring maging maingat tayo. Kaya narito ang ilang tips na kaila­ngang isaalang-alang ng kahit na sino para maging ligtas sa pamimili:

KAPAG MAMIMILI SA TIANGGE

Isa sa mga dinaragsang lugar para mamili ay ang Divisoria. Bukod sa mura na kasi ay puwede ka pang tumawad at ma­rami kang mapagpipi­lian. Kaya naman, isa ito sa gustong-gustong puntahan ng mga mamimili lalo na kung maramihan ang kanilang bibilhin.

Siksikan, mainit at magulo sa Divisoria. Pero kahit na ganoon, marami pa rin ang nagtutungo roon. Sa pamimili, huwag kalilimutang mag-ingat. Sapagkat sa ganitong pa­nahon, naglipana ang mga masasamang loob.

Lahat na ng klase ng kasamaan ay nagkalat na sa mundo. Walang oras ang kanilang pagsalakay. Walang araw ang kanilang pambibiktima. Dobleng pag-iingat ang gawin natin upang hindi naman tayo maisahan ng mga masasamang loob.

Kapag pupunta o mamimili sa Divisoria, huwag na huwag magsusuot ng mga alahas at magagarang damit. Huwag ding magdadala ng mga mamahaling bagay. Sapagkat mainit sa mata ng mga masasamang loob ang mga iyan. Kapag napansing may pera ka, hindi ka na titigilan ng mga iyan sa pagsunod-sunod hanggang sa makatiyempo silang makulimbat ang kung ano mang mahahalagang bagay na pag-aari mo.

Hindi puwedeng tatanga-tanga ka kung pupunta ka ng Divisoria. Kung hindi ka man marunong, kailangang magpasama ka sa mga kakilala o kamag-anak na sanay sa ganoong lugar. Mahirap ang aanga-anga sa isang lugar na mara­ming tao at siksikan, dahil ikaw ang isa sa mabibiktima ng masasa-mang loob. Kaya huwag magtutungo sa Divisoria ng mag-isa lang.

KAPAG MAMIMILI SA MALL

Marami rin naman ang ayaw mainitan at makipagsiksikan kaya’t mas pinipili ang pamimili sa mall. Mal-amig nga naman sa mall at makabibili ka ng maayos at matiwasay. May kamahalan nga lang ang presyo sa mga mall kumpara sa tiangge.

Gayunpaman, kaila­ngang maging maingat pa rin tayo sa pamimili sa mall. Sabihin man nating malamig at maganda sa nasabing lugar, hindi pa rin maiiwasan ang mga taong mapagsamantala. Kaya kung mag-tutungo sa mall, siguraduhing nakatago ng maayos ang mga mahahalagang gamit gaya na lamang ng cellphone o gadget, gayundin ang wallet nang hindi maisahan.

May mga gamit o ipinagbibili rin sa mall na hindi gaanong maganda o may damage. Kaya bago bayaran ang bibilhin, siguraduhing nasuri itong maayos at natiyak na walang problema, mantsa o sira.

KAPAG MAMIMILI SA ONLINE

Hindi nga naman mabilang-bilang ang mga taong tinatangkilik ang pagbili sa online. Wala nga naman itong kahirap-hirap, isang pindot lang ay makapipili ka na ng gusto mong bilhin.

Pero dapat ding ma­ging makilatis tayo sa pamimili sa online dahil hindi lahat ng nakikita natin sa picture ay masasabi na­ting maganda sa aktuwal. Para hindi nga naman maloko, siguradu­hing dekalidad ang bibilhin. Alamin din siyempre kung mapagkakatiwalaan ang seller.

Sa pamimili nga naman, kailangang kilatisin ang mga bibilhin. Hindi rin puwedeng basta-basta lang.

Tingnang mabuti kung walang sira. Hindi dahil mura ay puwede na. Kalidad pa rin ng produkto ang dapat na isaalang-alang.

Aanhin mo ang mura kung masisira lang din naman kaagad. Hindi natin matatawag na pagtitipid ang pagbili ng mura at madaling masira.

Bukod sa pagi­ging maingat sa pamimili, habaan din ang pasensiya lalo na kung makikipagsiksikan. CS SALUD

Comments are closed.