PAG-IMPRENTA NG BALOTA, 30% LANG ANG IPINASILIP SA POLL WATCHERS

IGINIIT  ng National Citizens’ Movement for Free Elections (Namfrel) na hindi sila pinahintulutan na makita ang 70% ng mga operasyon sa pag-imprenta ng balota.

Ayon kay Namfrel  Chairman Gus Lagman, ang pagbabawal sa mga poll watcher na obserbahan ang proseso ng pag-imprenta ay labag sa batas.

Sinisiyasat din ng Namfrel ang ilan pang mga paglabag sa Omnibus Election Code ng Commission on Elections.

Ang Omnibus Election Code ay nagbibigay atas sa komisyon na magbibigay-daan sa sinumang tao na obserbahan ang pag-imprenta ng mga balota at election returns.

Samantala, iniha­yag ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPRCV) na kasalukuyan nang naghahanda para sa paparating na halalan sa Mayo 9 ang mga volunteer nationwide.

Wala namang ibi­nigay na karagdagang reaksiyon sa panayam ng DWIZ si PPCRV Director for Voter Education Dr. Arwin Serrano, kaugnay sa isyu ng pagbabanta ni Commission on Elections Commissioner Rey Bulay na kakastiguhin ang mga bumabatikos sa ginagawang paghahanda ng ahensiya sa darating na eleksiyon.

Nagpaalala naman si Serrano sa mga botante kung ano ang mga dapat gawin pagsapit ng botohan.