PAG-TRESPASS NG CHINESE WARSHIPS SA PHL WATERS HINDI KILOS NG PAKIKIPAGKAIBIGAN – AFP

AFP-2

KINOKONSIDERA ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na maituturing na “trespassing” ang China sa teritoryo ng Filipinas sa pagpasok ng kanilang mga barkong pandigma sa territorial water ng bansa nang walang pahintulot.

Ito ang tugon ng AFP sa pinakahuling ulat na pagpagsok ng limang warships ng China sa nasasakupan ng Filipinas.

“Well unang-una it could be considered in a sense trespassing because as we said earlier before you could, parang ano lang ‘yan e, parang bakuran ng ating tahanan, bago may makikiraan, innocently kailangan dumaan, kailangan magpa­sintabi rin ano sa may-ari ng maybahay,” ayon kay AFP Spokesman BGen. Edgard Arevalo.

Aminado ang militar na hindi nila alam kung ano ang ginagawa ng mga barko ng China sa karagatang sakop ng Filipinas kaya masasabi rin umanong banta ito sa seguridad o masasabing security challenge.

Nabatid na may tatlong reconnaissance ship ng Chinese Navy ang muling na-monitor ng AFP-Western Mindanao Command (WesMinCom) sa karagatan ng Tawi-Tawi kamakailan.

Ayon pa kay AFP WesMinCom Commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana, noong Hulyo ay dalawang recon ship ng Chinese Navy ang na-monitor sa may bahagi ng Sibutu Strait sa Tawi-Tawi. VERLIN RUIZ