PAGBABALIK NG PBA LUMILINAW

Willie Marcial

MAS lumaki ang pag-asa ng PBA na muli itong makapagbubukas sa lalong mada­ling panahon sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na makababalik na sa normal ang bansa bago matapos ang taon, ayon kay Commissioner Willie Marcial.

“Kay Presidente na galing na malapit na ang vaccine, so lalong lumilinaw ang pag-asa ng PBA na makabalik,” wika ni Marcial.

At sinabi ng PBA chieftain na walang makapipigil sa liga na unti-unting ibalik ang 12 koponan nito sa pagsasanay sa pananatili ng Metro Manila sa ilalim ng  general community quarantine.

“As soon as the teams take the swab tests and get the results, it’s a go,” sabi ni  Marcial, umaasang matatapos ang lahat ng miyembro ng 12 koponan sa tests sa Agosto 7.

May mga pangamba na maaaring isailalim ang Metro Manila sa mas mahigpit na quarantine kapag umabot ang CO­VID-19 cases sa 85,000 sa katapusan ng Hulyo. Sa kasalukuyan ay mahigit sa 89,000 na ang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Kung ibinalik ang Metro Manila sa mas mahigpit na modified enhanced community quarantine, ang plano ng PBA na unti-unting pagbabalik sa ensayo ay maaapektuhan.

Subalit mananatili ang Metro Manila sa ila­lim ng GCQ, kasama ang Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal, Cebu City, Lapu-Lapu City, Mandaue City, Talisay City, Zamboanga City at ang mga bayan ng Minglanilla at Consolacion sa lalawigan ng Cebu.

Umaasa si Duterte na makababalik sa normal ang bansa bago matapos ang taon dahil sa coronavirus vaccine.

“Magandang balita iyon,” ani Marcial.

Comments are closed.