INAPRUBAHAN ng Games and Amusements Board (GAB) ang pagbabalik sa regular na programa, pagsasanay at kompetisyon para sa lahat ng professional leagues sa bansa, gayundin ang live audience sa kontroladong bilang batay sa regulasyon ng Local Government Unit (LGU).
Sa memorandum na may petsang Enero 30 at may lagda ni GAB Basketball and other Pro Games Division Chief Dioscoro ‘Jun’ Bautista, pinapayagan na ang pagbabalik-aksiyon ng contact sports na volleyball, football at basketball, kabilang na ang Philippine Basketball Association (PBA) na nakatakdang ipagpatuloy ang kanilang import-laden conference ngayong Pebrero.
“In light of the recent Inter-Agency Task Force (IATF) Resolution No. 159-A Series of 2022, dated 29 January 2022, placing the National Capital Region (NCR) and seven other provinces which include Bulacan, Cavite, and Rizal, under Alert Level 2, from 01 February until 15 February 2022, all contact sports (basketball, volleyball, and football) competition and training shall be permitted as provided for under relevant guidelines adopted by the IATF and Games and Amusements Board, and approved by the Local Government Unit (LGUs) where such events shall be held. Live audience, when allowed by LGU, are subject to prevailing IATF guidelines,“ pahayag ni Bautista sa resolution.
Kinatigan ni GAB Professional Boxing and Other Contact Sports Head Dr. Jesucito M. Garcia ang pahayag ni Bautista kasabay ang anunsiyo na balik na rin ang aksiyon sa boxing, muaythai, mixed martial arts at kickboxing bunsod ng pagluluwag sa alert level status maging sa Batanes, Biliran, Southern Leyte at Basilan.
“Non-contact sports shall also be allowed at a maximum of 50% indoor venue capacity for fully vaccinated individuals and those below 18 years of age and 70% outdoor venue capacity,” ayon sa GAB memorandum.
Ipinaalala naman ni GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra ang pag-iingat at pagtalima sa ipinatutupad na safety and health protocol upang higit na maging kaaya-aya ang pagbabalik ng mga liga na pinananabikan ng sports fans, gayundin para sa kabuhayan ng mamamayang Pinoy.
“Hindi puwedeng pakampante. Although, bumababa na muli ang cases sa COVID-19 variant, ang banta ng virus ay nariyan kung hindi tayo mag-iingat at magiging padalos-dalos sa pagkilos. Kung ano ang safety and health protocol na aprubado ng IATF sa JAO sundin po natin iyan,” pahayag ni Mitra.
Ayon kay Mitra, bukod sa PBA, nagpahatid na rin ng intensiyon para sa pagbabalik-aksyon ang Premier Volleyball League (PVL), Philippine Golf Tour, E-Sports, Philippine Chess Championship, gayundin ang boxing at MMA promotion. EDWIN ROLLON