PAGBABAWAS SA PLACEMENT FEE NG OFWs SA ISRAEL ISASAPINAL NGAYONG LINGGO

OFWs ISRAEL

PASAY CITY – KABILANG sa inaasahang magandang resulta sa pagtungo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Israel ay ang pagsasapinal sa usapin ng pagbabawas sa presyo ng placement fee sa mga overseas Filipino worker (OFW) na nais doon maghanapbuhay.

Sa panayam kina Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Mocha Uson at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac, ngayong linggo ay kabilang sa haharapin ng Pangulo ang nasabing kahilingan ng mga OFW.

“Matagal nang problema diyan ‘yung mataas na placement fee at ito, dahil doon sa bagong agreement na ito, maiibsan ito na hindi na kailangan magbayad pa o maiibsan ‘yung pagbayad ng placement fees sa mga aplikante papunta sa Israel,” ayon kay Cacdac.

Kahapon ay tumulak na si Pangulong Duterte at gabinete sa Israel at Jordan.

Magugunitang kamakailan ay sinabi ng ilang opisyal sa Philippine Embassy na ang minimum wage sa Israel ay pinakamalaki sa Middle East subalit ang mga caregiver ang may pinakamataas na placement fees.

Sinabi ni Cacdac na ang mga Filipino worker ay nagbabayad ng hanggang $8,000 bilang placement fee para makapagtrabaho sa Israel.

“Aabutin ng isang taon o isa’t kalahating taon bago nila mabawi ‘yung kanilang sweldo o bago sila kumita, so hindi magandang sitwasyon ‘yan,” ayon pa kay Cacdac. EUNICE C.

Comments are closed.