IPINANUKALA ang pagtatakda ng moratorium ng isang taon sa loan amortization ng mga residenteng apektado ng pag-sabog ng Bulkang Taal.
Ito ang iginiit ni Senador Win Gatchalian sa mga apektadong residente nang mag-ikot ito sa Batangas.
Sa pagbubukas muli ng sesyon ay agad na ihahain ng senador ang Senate Resolution No. 289 (SRN 289) na nag-uudyok sa Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), at Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG Fund) na maglaan ng emergency loan para sa mga naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Taal, kasama na ang pagtatakda ng mora-torium sa loan amortization.
Layon din ng SRN 289 na kalampagin ang mga apektadong lokal na gobyerno na isaalang-alang ang mga apektadong negosyo pagdating sa usapin ng pagbabayad ng amilyar at pagre-renew ng business permits. Hinikayat din ni Gatchalian ang mga pribado at pampublikong bangko na ipagpaliban muna ang pagbabayad utang ng apektadong borrowers.
“Ang isang taong moratorium sa utang ay makakatulong hindi lamang upang makabangon ang ating mga kababayan mula sa delubyo, makakatulong din ito na buhayin at pasiglahin ang kalakalan sa mga apektadong lugar,” ani Gatchalian.
Batay sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) noong Enero 18, mahigit 37,355 na pamilya o higit 162,728 na indibiduwal ang nanunuluyan sa iba’t ibang evacuation centers. VICKY CERVALES
Comments are closed.