PINAGPAPLANUHANG palitan o ayusin ni presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sakali mang siya ang maihalal na bagong pangulo ng Pilipinas dahil sa napakatagal nang isyu nito ng hindi pagbabayad sa mga pribadong ospital.
Ayon kay BBM, wala sa isyu ng medikal ang problema sa PhilHealth kundi mismong nasa pamamahala.
Bukod pa rito, kinuwestiyon din ng Senado at Kongreso ang PhilHealth ukol sa P15 bilyong isyu nito, base sa isang Rappler report.
Depensa ng PhilHealth, bumabagal ang pagbabayad dahil sa mga pribadong ospital na hindi nagiging tapat sa kanilang claims. Kung hindi mareresolbahan ang isyung ito, itinataya natin sa bingit ang interes ng mga Pilipino, mga medical institution at health worker, pati na rin ang mismong fund life ng PhilHealth.
Hindi lamang ang mga ospital, ngunit iniinda na rin ng mga hotel operator ang hindi pagbabayad sa kanila ng state insurer sa pagpapagamit nito ng kanilang pasilidad bilang quarantine facility, at serbisyo ng RT-PCR tests para naman sa Philippine Red Cross.
Ngayong taon, nakatanggap ng P80 bilyong subsidiya ang PhilHealth mula sa gobyerno sa ilalim ng General Appropriations Act. Ito ay mas mataas ng 12 porsyento kaysa sa P71.35 bilyon na subsidiya noong nakaraang taon. Sa ilalim ng Universal Health Care Law, ang karagdagang subsidiya ay upang maisama at maprotektahan ang mga indirect contributor katulad ng mga indigent citizens, mga matatanda, at mga may kapansanang walang trabaho.
Bukod dito, nakakapangolekta pa ng halos P100 bilyon ang PhilHealth mula sa mga kontribusyon ng empleyado sa pribado at publikong sektor, kaya naman umaabot na sa P180 bilyon ang nalilikom ng PhilHealth kada taon.
Napakahalaga ng healthcare system sa ating bansa at patunay ang pandemyang dulot ng Covid-19 na kailangan itong patatagin upang malabanan natin ang parehong hamon sakaling mangyari muli. Kaya lamang, batid nating imposible ito kung ang ating mga medical institution mismo ay nasa bingit na ng pagbagsak dahil sa mga utang na hirap nilang singilin mula mismo sa pamahalaan.
Naghirap ang mga medical worker ng dalawang taon upang tiyakin ang paggaling ng mga lubhang nahawaan ng COVID-19. Ang simpleng pagbabayad sa mga ospital — bagama’t isa sa kanilang karapatan — ay isang pagpapakita ng suporta, pagpapahalaga, at pasasalamat sa kanilang tuloy-tuloy na serbisyo.
Kung apektado ang kanilang cash flow dahil sa milyon-milyong utang ng gobyerno, hindi malayong mas humina ang ating healthcare system at lalo lamang panghihinaan ng loob ang pribadong sektor sa pakikipagtulungan sa mga ahensiya ng pamahalaan.
Sa kabilang banda, mulat tayo sa ideyang ang industriya ng turismo ang isa sa mga higit na naapektuhan dahil sa mga lockdown mapa-lokal man o international. Ang Pilipinas ay isa sa mga tourism-dependent na bansa, suportahan natin ang kanilang pagbangon sa pamamagitan ng pagpapaigting sa pagbabayad sa mga hotel operator.
Sobra na sa pagdurusa ang mga negosyo dahil sa COVID-19. Kung ang pondo naman ay maaari nang gamitin, huwag na nating patagalin ang pagbabayad ng utang.
Kung ating iisipin, ang pagbangon ng ating bansa mula sa epekto ng pandemya ay magmumula sa pagbangon ng ating pribadong sektor.