MATAPOS pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang seryosong paglilinis ng Boracay noong nakaraang taon na nagresulta sa pagbabalik ng likas na kagandahan ng pamosong white beach, isang magandang balita ang lumutang nitong nakaraang linggo – ang rehabilitasyon ng Manila Bay na itinuturing na isa sa pinakamagandang natural harbor o pier sa buong mundo. Ang Manila Bay sunset, tanyag sa angking kagandahan na maging mga turista ay hinahangaan ito.
Ayon sa datos, ang Manila Bay ay may sukat na 770 squares miles o 2,000 square kilometers na bumabagtas hanggang sa Southern Luzon. Sinasabing ang Baseco sa Manila Bay ay kasing ganda ng Boracay kung ito lamang ay pinangalagaan.
Mukhang seryoso ang administrasyon ni Pangulong Duterte, sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), sa planong pag-rehab sa Manila Bay. Maglalaan ang pamahalaan ng aabot sa P45 bilyon para linisin ito sa loob ng tatlo hanggang pitong taon.
May malalim na kasaysayan ang Manila Bay. Dito naganap ang tinaguriang ‘Battle of Manila Bay’ noong Mayo 1, 1898 kung saan pinasuko ng Amerika ang Espanya sa pangunguna ni Commodore George Dewey. Dahil dito, pinangalanan itong Dewey Boulevard bago naging Roxas Boulevard noong 1960s.
Pero mukhang nabalewala ang importanteng kasaysayan na ito kasi sa loob ng nagdaang mga dekada, napabayaan natin ang Manila Bay. Kulang tayo sa malasakit sa ating kalikasan. Ang gilid ng Manila Bay ay pinagtayuan ng mahigit sa 200,000 squatters na walang patumangga sa pagtatapon ng basura rito. Gayundin ang ginagawang pagdudumi ng ilang mga pabrika, hotel, at kainan na itinayo sa paligid ng Manila Bay.
Nitong linggo lamang, aabot sa 10 trak na puno ng basura ang nahakot sa unang araw ng Manila Bay rehabilitation project, na ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA) ay katumbas ng 46 tonelada ng basura na pinagtulungang kolektahin ng nasa 5,000 empleyado ng pamahalaan at iba pang mga volunteer buhat sa iba’t ibang sektor.
Seryoso si Pangulong Duterte na linisin ang Manila Bay at bago pa magsimula ang rehabilitasyon nito, nagbabala siya na ipasasara ang mga malalaking establisimiyento sa paligid nito na ginagawang tapunan ng kanilang mga basura.
Tinukoy na ng DENR ang tatlong malalaking kainan na malapit sa Manila Bay at binalaan na kung hindi nila gagawan ng paraan na ayusin ang kanilang sewerage system, ipasasara na sila.
Sumusuporta at handang makipagtulungan ang mga miyembro ng hotel association sa rehabilitasyon ng Manila Bay. Hindi kasi sa mga hotel nanggagaling ang mga basura na lumulutang dito kapag nanalasa ang mga bagyo. Galing ang mga basura sa estero at iba pang daluyan ng tubig sa Kamaynilaan at mga karatig na lalawigan.
Ang mahigpit na pangangalaga sa ilog, dagat o mga tourist destination ay dapat ipatupad ng gobyerno. Dapat lumikha ng mga batas na magpapataw ng mabigat na parusa sa mga sumisira sa kalikasan. Kailangang maging determinado ang gobyerno sa pangangalaga sa kalikasan, katulad ng pagiging determinado nito sa paglaban sa ilegal na droga.
Napapanahon na talaga ang rehabilitasyon ng Manila Bay pero ang malaking hamon ay kung saan ililipat ang mahigit sa 200,000 informal settlers na naninirahan sa tabi ng Manila Bay.
Maambisyon ang plano, puwede na raw kasing maligo sa Manila Bay pagdating ng Disyembre. Sana’y totoo. Sana’y may sapat na ‘political will’ ang gobyerno na totohanang linisin ang Manila Bay. Sana’y hindi ito ‘ningas-kugon’ lamang.
Kung maibabalik kasi ang Manila Bay sa dati niyang ganda, ito’y magiging isang tourist attraction. Higit pa rito, ang karaniwang mamamayan sa Metro Manila ay mayroon nang mapupuntahang lugar na kasing ganda ng Boracay.
Hindi masamang mangarap, pero nawa’y dumating ang araw na maibalik ang kalinisaan at kagandahan ng Manila Bay, wala nang basurang lumulutang at may maruming tubig dagat na maaaring magdulot ng epidemya.