UNTI-UNTI ang pagbawi ng export revenues ng bansa ngayong taon dahil sa external factors na wala na sa kontrol ng local stakeholders, ayon kay Philippine Exporters Confederation (Philexport) president Sergio Ortiz-Luis Jr.
Sa isang chance interview sa Philippine Business Conference sa Manila Hotel noong Oct. 27, sinabi ni Ortiz-Luis na “slowly but surely” ang pagrekober ng mga exporter at umaasang makakamit nito ang export target sa ilalim ng Philippine Export Development Plan (PEDP) ng administrasyong Marcos.
“I think we have a fighting chance (to hit the 2023 exports target)… It (export revenues) is increasing now,” pahayag niya.
Batay sa datos mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang Philippine exports ng goods and services mula January hanggang June ngayong taon ay tumaas ng 5.4 percent sa USD48.42 billion mula USD45.95 billion sa kaparehong panahon noong 2022.
Target ng pamahalaan ang goods and services export revenues na USD126.8 billion sa 2023.
Gayunman ay sinabi ni Ortiz-Luis na nakahahadlang ang kasalukuyang geopolitical tensions sa mabilis na pagbangon ng industriya.
“Hopefully, the problem in Israel will not escalate because the Ukraine problem is still persisting until now,” aniya.
Dagdag pa niya, dapat ding bantayan ng rehiyon ang tensiyon sa South China Sea upang hindi na ito makadagdag pa sa nagpapatuloy na kaguluhan sa mundo na maaaring makaapekto sa international trade.
Binanggit din niya na ang pabago-bagong global oil prices at ang mas mataas na inflation target sa bansa, na umabot sa 4 hanggang 5 percent mula sa 2 hanggang 3 percent range ay nakaaapekto rin sa paglago ng Philippine exports.
(PNA)