TURISMO ang isa sa mga industriya na matindi ang naging epekto ng COVID-19 hindi lamang dito sa Filipinas kundi pati na rin sa buong mundo. Dahil sa banta ng COVID-19 sa bansa, bumaba ang kita ng industriya ng turismo ng 35% sa unang tatlong buwan ng 2020. Hindi hamak na maliit ang kinita ng turismo mula sa pagdayo ng mga turista. Nasa 85 bilyong piso lamang ang kinita sa unang tatlong buwan ng taon kumpara sa kinita nito noong nakaraang taon sa parehong mga buwan na umabot sa 134 bilyong piso.
Ang pagbagsak ng kita mula sa turismo ay hindi na kataka-taka. Bahagi ng mga hakbang na ginawa ng pamahalaan upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa ay ang pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa mga lugar na may naitalang positibong kaso ng COVID-19 simula noong Marso. Bagama’t ang ECQ ay inasahang matapos noong Mayo, batid ng Department of Tourism (DOT) na walang kasiguraduhan na kapag naibaba mula sa ECQ ang restriksiyon ay mabibigyan na ng pahintulot na manumbalik ang turismo sa bansa.
Sa pagpapatupad ng ECQ, maraming mga biyaheng panghimpapawid, biyahe ng mga bus na patungo sa mga probinsya, maging ang mga biyahe ng mga barko ang kinansela. Ang operasyon ng mga hotel ay inihinto bilang bahagi ng mga panuntunan ng ECQ. Ang mga publiko at pribadong pook pasyalan ay nanatili ring sarado para sa kaligtasan ng mga tao.
Ang turismo ng Filipinas ay maituturing na isa sa mga haligi ng ekonomiya dahil sa perang naipapasok nito sa bansa. Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), 12.7% ng kabuuang kita ng ekonomiya ng bansa noong 2018 ay mula sa industriya ng turismo. Umabot sa higit pitong milyong turista ang naitalang dumayo sa ating bansa mula Enero hanggang Oktubre ng nakaraang taon. Malaking bilang ng mga turistang ito ay mga Tsino. Ayon sa datos ng DOT, umabot sa 1.49 milyong Tsino ang dumayo sa bansa at bago pa man tumama ang pandemyang COVID-19 sa bansa ay tinatayang aabot pa ito sa apat na milyon pagdating ng 2022.
Maraming lugar sa Filipinas gaya ng Palawan at Boracay na malaking bahagi ng kita ay nagmumula sa turismo. Ngunit bunsod ng ipinatupad na lockdown ay napuwersa silang ihinto ang operasyon bilang pagsunod sa direktiba ng pamahalaan. Wala na rin namang turistang makapapasok sa lugar. Sa kabila ng paghinto ng operasyon ay mayroon silang naisubi, ngunit kailangan pa rin ng mga komunidad sa lugar ng suporta mula sa ating pamahalaan upang mapanatili ang kalinisan at kagandahan ng nasabing mga destinasyon na dinadayo ng mga turista sa kanilang mga lugar.
Ang mga lokal na mamamayan sa mga lugar na umaasa sa turismo ay pansamantalang bumalik sa kanilang dating nakagawiang pinagkukuhanan ng hanapbuhay – ang pangingisda at pagsasaka. Nang magbukas ng oportunidad ang turismo para sa mga lokal na mamamayan, marami sa kanila ang iniwan ang pangingisda at pagsasaka. Umaasa ang maraming mga lokal na hindi magtatagal ay muling manunumbalik ang turismo ng bansa lalo na sa mga lugar gaya ng Palawan kung saan dalawa lamang ang naitalang kaso ng COVID-19.
Ayon sa resulta ng Labor Force Survey (LFS) ng PSA noong huling apat na buwan ng 2019, tinatayang aabot ng dalawang milyong tao na nagtatrabaho sa industriya ng turismo ang naapektuhan ng pandemya. Ang mga taong ito ay mga empleyado sa mga negosyong may kinalaman sa accommodation gaya ng mga hotel, at mga kainan. Ayon sa datos ng PSA, ikalima sa may pinakamalaking bilang ng mga empleyado at trabahador ay ang industriya ng turismo. Nakakita rin ng pagtaas sa bilang ng mga negosyong may kinalaman sa turismo na nasasagad na ang pisi at malapit nang magsara nang tuluyan dahil sa pandemyang ito.
Upang matugunan ang problemang ito, sa isang pahayag ni Tourism Undersecretary Benito Bengzon, Jr. noong Abril, sinabi nitong humahanap sila ng paraan kung paano magbabalik-operasyon ang turismo habang isinasaalang-alang ang physical distancing at panuntunan ukol sa kalusugan ngayong panahon ng pandemya. Kasama rito ang paglalagay ng limitasyon sa bilang ng mga turista na maaaring tanggapin at papasukin sa mga pook-pasyalan gaya ng Boracay. Kasama rin dito ang paglilimita sa mga pasaherong sumasakay sa mga bus na ginagamit para sa mga turista at ang paglilimita sa bilang ng maaaring papasukin sa mga kainan. Aminado naman si Bengzon na ang mga hakbang na ito ay tiyak na may epekto sa kita ng mga negosyante.
Umaasa ang DOT na sa huling bahagi ng taon ay makapagsisimula na itong bumangon. Kung hindi man ngayong taon, ay baka sa taong 2021. Inaasikaso rin ng DOT ang Tourism Response and Recovery Program kung saan ang prayoridad ay nasa pagsusulong ng lokal na turismo sa bansa.
Nito ngang nakaraang buwan ng Mayo ay inaasahang magbubukas na muli ang Bohol para sa turismo sa susunod na mga buwan. Ayon kay Task Force Chief Implementer Carlito Galvez, Jr., susubukan nilang buksan ang Bohol para sa turismo at gawin itong ehemplo ng kung paano ang magiging sistema ng turismo sa panahon ng bagong normal. Nakatakdang isagawa ang simulasyon ng planong ito ngayong Hunyo at sa susunod na buwan ng Hulyo. Dalawang kaso lamang ng COVID-19 ang naitala sa Bohol kaya batid ni Galvez na maaari na itong buksan para sa turismo nang paunti-unti.
Sa kabila ng pagbagsak ng turismo bunsod ng pandemya, masuwerte pa rin ang Filipinas na hindi kumalat ang virus at kaunti lamang ang naitalang kaso ng COVID-19 sa mga lugar na dinadayo ng mga turista. Kailangan lamang ng ibayong pag-iingat at masusing pagpaplano upang makahanap ng diskarte kung paano manunumbalik ang turismo nang hindi naikokompromiso ang physical distancing at iba pang mga hakbang kung paano maiiwasan ang pagkalat ng virus.
Ako ay umaasa na pasasaan ba’t kakayanin nang makabangon ng turismo sa Filipinas. Kailangan ay patuloy ang pagtutulungan ng pamahalaan, pribadong sektor, at mga mamamayan upang masiguro na makontrol ang pagkalat ng virus. Ito ang susi upang mabigyan ng sapat na pagkakataon ang turismo na makabangon sa gitna ng pandemya.
Comments are closed.